INIHALINTULAD ni House Assistant Majority Leader Rep. Jay Khonghun (1st District, Zambales) sa mga pekeng dokumentong gawa sa Recto ang acknowledgement receipts (ARs) na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA) para bigyang-katwiran ang paglustay ng P612.5 million confidential funds na inilaan ng Kongreso kay Vice President Sara Duterte.
Kung pagbabatayan aniya ang nadiskubre ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa liquidation report na isinumite ng OVP at Department of Education (DepEd) sa COA, lumalabas na may “systematic fraud” na naganap sa likod ng confidential funds ng pangalawang pangulo.
Katunayan aniya, nasa 1,322 sa halos 2,000 signatories ang walang record sa PSA.
Paalala ni Khonghun, mabigat na kasalanan ang pamemeke ng alinmang government document, kabilang ang liquidation report, kasabay ng giit na dapat managot ang sangkot sa likod ng sumambulat na bulilyaso sa pondo.
“Dinoktor nila ang kanilang mga [ARs]. Sa madaling salita, parang ito yung mga nangyayari noon sa Recto —dinodoktor ang mga dokumento,” anang kongresista,
“Kailangan itong imbestigahan. Kailangan itong mai-forward din sa ating mga ahensya ng pamahalaan para kung sino yung kailangan managot, eh dapat managot kasi hindi po pwede na pepekiin mo yung dokumento ng ating gobyerno para mag-liquidate,” giit pa niya.
Sa panig ni Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V, sinabi niyang ang nabanggit na kompirmasyon ng PSA ay nagpatatag sa matagal na nilang hinala — na may katiwalian sa OVP at DepEd confidential funds.
“Kino-confirm lang po yung mga findings at saka karamihan po ng mga tanong sa aming hearings na yung mga tao na yun ay hindi po totoo at hindi nag-eexist,” ani Ortega.
“Na-magnify lang po ito doon sa kasikatan ni Mary Grace Piattos, pero meron pa po pala siyang 1,000 tropang kasama, Parang hindi naman na po kami nagulat doon. Papunta na nga po doon at alam po natin na hindi po totoo itong mga taong ito at nagamit lang yung mga pangalan na ito para makapag labas po ng kaukulan na confidential funds,” sundot pa ng La Union solon.
Kumbinsido rin si Assistant Majority Leader at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre na sinadya ang pagwawaldas na ito sa P612.5 million funds ng dalawang ahensyang pinamumunuan ni Duterte.
“Talagang may motive… madaling magpalsipika ng isa, lima, sampu, isang daan. Pero kung 1,000 pangalan ang ginawang peke, malaking problema po yan,” sabi ni Acidre.
Sa mga nabunyag na katiwalian, hiniling ni Acidre ang pagsusulong ng legislative reform o pagbalangkas ng mga batas para wakasan ang pagsasamantala sa kaban ng bayan. (Romeo Allan Butuyan II)
