HABANG patuloy ang pananalasa ng bagyo ay habagat sa iba’t ibang panig ng bansa, wala ring tigil ang papapaabot ng tulong sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng pagbaha sa iba’t-ibang lugar.
Sa pangunguna ni Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez at Tingog Partylist, may kabuuang 276 pamilya o 1,137 katao, na pansamantalang nanunuluyan sa West Bank Community Center, Maybunga Elementary School, at De Castro Elementary School ang tumanggap ng hot meals at mga relief pack na may lamang 10 kilong bigas, tubig, meryenda, at kumot bilang agarang tulong.
Nandoon mismo sina Tingog Partylist Rep. Yedda Romualdez at Tingog Partylist Director for Community Engagement Karla Estrada sa Pasig City katuwang din si Pasig City Rep. Roman Romulo upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga nangangailangan.
“Our kababayans deserve swift, compassionate, and consistent support, especially in times of crisis. Tingog will continue to mobilize available resources to ensure support to those in need,” ani Rep. Yedda.
Sabi naman ni Tingog Partylist Rep. Jude Acidre na “we believe that governance must be felt most during emergencies. This is why Tingog remains steadfast in bringing government closer to the people, especially the most vulnerable sectors.”
“We are one with the people of Pasig during these challenging times. Together with our partners in government, we are committed to providing immediate assistance and long-term recovery support to those impacted by the storms. Walang maiiwan,” diin naman ni Rep. Martin na Speaker ng nakaraang Kongreso.
Bukod dito, ipinabatid naman ni reelected Iloilo 1st Dist. Rep. Janette Garin na sa inisyatiba ni Speaker Romualdez at Tingog PL ay nagkaisa ang mga miyembro ng Kamara de Representantes upang agad na maihatid ang pondo mula sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa mga pamilyang binaha sa 42 congressional districts sa Metro Manila at Rizal.
Ayon kay Garin, layunin ng programa tulungan ang mga manggagawang nawalan ng kita bunsod ng pagbahang dulot ng magkakasunod na bagyo.
Sinabi pa niya na ipinamahagi ang ayuda sa tulong ng maayos na koordinasyon at mabilis na pagkilos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang mga kongresista.
“Feeding program, pagbisita doon sa mga nasa evacuation center… maybe 42 congressmen, 42 members of the 20th Congress were empowered using AKAP,” dagdag ng lady solon.
Paliwanag niya, nagsimula ang inisyatiba sa isang maliit na grupo ng mga kongresista at unti-unting lumawak upang masaklaw ang maraming distrito, sa tulong at pangunguna nina Romualdez at mga kinatawan ng Tingog Partylist.
“Nagkaroon ng meeting, alignments and mobilization para naman na ‘yung mga binahaan at nahirapang magtrabaho ay hindi maibsan yung kanilang pagdadalamhati sa epekto ng tatlong bagyo na nagsama-sama,” ani Garin.
Saklaw ng ayuda ang 42 congressional districts sa Metro Manila at Rizal, kabilang ang mga nasasakupan nina Reps. Mia Ynares, Dino Tanjuatco, Jojo Garcia, Tom Hernandez, Ronnie Puno, at Romeo Acop, bukod pa sa naunang 36 na distrito.
Binigyang-diin din ni Garin na ang AKAP ay hindi dapat makita bilang programang may bahid pulitika.
“It’s not pure discretion ano, pero nanduon ‘yung assistance. The actual distribution is being done by the DSWD,” diin ni Garin.
Nilinaw niyang ang tungkulin ng mga kongresista ay ang tumulong sa paglalaan ng pondo at maging tagamasid sa maayos na pagpapatupad nito.
“The role of the legislators is to call the attention of the DSWD… kung meron dun mga na-exclude because of local or barangay politics. Dapat walang pulitika duon sa implementation sa baba,” giit ng mambabatas. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
