
TULUYAN nang naubos ang pasensya ng mga kongresista sa di umano’y hayagang katiwalian ng mga opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI).
Sa rekomendasyon ng quad committee ng Kamara, nakatakdang isalang sa isang “congressional investigation in aid of legislation” ang BI sa hangaring matukoy ang mga anila’y tumulong para makatakas palabas ng bansa si former Presidential Spokesperson Harry Roque kasama ang asawang si Myla.
Bago pa man lumabas ang rekomendasyon ng quad comm, napag-alamang pumuslit na patungo sa United Arab Emirates (UAE) ang dating tagapagsalita ng Palasyo.
Kapwa may warrant of arrest ang mag-asawang Roque dahil sa hindi pagsipot sa patawag ng quad comm na siyang nag-iimbestiga sa illegal POGO operation, extrajudicial killings at kalakalan ng droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Ilang buwan na ang nakalipas nang imbestigahan ng Senado ang BI bunsod ng pagtakas ng mga bigating personalidad sa likod ng illegal POGO sa bansa – kabilang si dismissed Bamban Mayor Alice Guo na kasalukuyang nakapiit sa Pasig City Jail bunsod ng patong-patong na kaso.
Sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, nalagay rin sa malaking kahihiyan ang naturang kawanihan matapos mabisto ang tinaguriang “Pastillas Scam.”