Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MARIING binatikos ng mga ranking members ng House of Representatives si former President Rodrigo Roa Duterte sa pagpapatupad ng polisiyang status quo o “walang galawan” sa Ayungin Shoal sa kanyang panunungkulan sa kabila ng panalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration noong July 2016.
Para kay House Special Committee on the West Philippine Sea at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, kung totoo man may naunang kasunduan na tanging pagkain at tubig lamang ang ihahatid sa mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, dapat aniyang binawi agad ni Duterte sa paglabas ng desisyon ng pandaigdigang husgado.
“The arbitral court declared that Ayungin was ours, that we have sovereign rights over that area. We could have done what we wanted to do there — in fact, we could do anything — but we did not,” dismayadong pahayag ni Gonzales.
Sa panig ni 1-Rider Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez, sinabi niyang isang “shocking surprise” ang malaman niyang mas ginusto ng Duterte administration na makipagkasundo sa China kesa panindigan ang arbitral ruling na nagdeklarang pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas ang West Philippine Sea (WPS).
“Less than a month into office, the former president was already aware of the country’s arbitral victory over disputed areas in the West Philippine Sea, including Scarborough Shoal, Mischief Reef and Ayungin Shoal, pero, hindi nila binago ang status quo,” sabi ng neophyte lawmaker.
Sa kanya aniyang pananaliksik, wala siyang nakitang anumang magpapatunay na may kasunduan na limitahan ang re-supply mission sa BRP Sierra Madre bagamat ang napag-alaman lamang niya ay hindi maglalagay doon ng bagong istruktura ang Pilipinas.
Sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni former executive secretary Salvador Medialdea na nagpasya ang ex-Duterte admin na respetuhin ang commitment ni former Defense Secretary Voltaire Gazmin sa noo’y Chinese Ambassador Ma Keqing na tanging mga pagkain at tubig lamang ang ihahatid sa mga sundalong Pilipino na nakatalaga sa Ayungin at wala rin isasasagawang pagkukumpuni sa BRP Sierra Madre.
Subalit walang maipakitang katibayan ang dating Palace official habang si former Defense chief Delfin Lorenzana, na pumalit kay Gazmin, ay sinabing hindi niya nalalaman ang naging kasunduan ng huli sa Chinese ambassador.
Binanggit din ni Lorenza na sa kabilang status quo policy ni ex-Pres. Duterte, nagsagawa pa rin ng rehabilitation and repair works ang Philippine Navy (PN) partikular sa housing quarters ng mga sundalo sa BRP Sierra Madre – bagay na ikinagalit ng China.
Doon na umano nagsimula ang pag-water canon ng Chinese Coast Guard sa bawat resupply vessel na pinapadala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Ayungin shoal.
Inaasahan naman magbibigay paglilinaw sa susunod na pagdinig si Gazmin at former presidential spokesperson Harry Roque na nagpasingaw ng kontrobersyal na secret deal nina Duterte at Chinese President Xi Jinping.
