TATLONG kadete mula sa Philippine National Police Academy (PNPA) ang dinakip ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos sabuyan ng asido ang nasa 22 bagong pasok.
Sa isang pulong-balitaan, kinilala ni Interior and Local Government Secretary jonvic Remulla ang mga arestado na sina 3rd Class Cadet Mhicco Legarda Escalante, Harold Locop Heje and Lance Elroy Guinitaran Gayramon.
Paglalarawan ni Remulla, masahol pa sa hazing ang ginawa sa mga bagong kadeteng sinabuyan ng magkahalong liquid sosa at muriatic acid.
Batay sa pinakahuling impormasyon nakalap ng Saksi Pinas, nagtamo ng third degree burns sa iba’t ibang bahagi ng katawan (kasama ang ari) ang mga biktima.
“Walang are-areglo sa kalupitan sa PNPA… titiyakin ko mananagot ang mga responsable dito,” ani Remulla.
Kabilang aniya sa mga isasampang kaso ang paglabag sa Republic Act 11053 (Anti-Hazing Law), isang asuntong walang piyansa sa ilalim ng umiiral na batas.
Paglilinaw ng Kalihim, hindi pa kumpleto ang mga kakasuhan. Katunayan aniya, pitong iba pa (kabilang ang mga opisyal) ang sumasailalim sa imbestigasyon kaugnay ng nasabing insidente.
Kasalukuyang nakapiit sa CIDG custodial facility ang tatlong inaresto, habang nagsasagawa ng forensic examination sa mga nakalap na ebidensya sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
