SA halip na tumulong para sa mas mabilis na responde ng mga bumbero, hinarang ng isang lalaking nagpakilalang pulis ang fire truck na patungo sana sa isang bahagi ng Tondo para apulahin ang sunog.
Sa isang video na ibinahagi ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Reyes Dela Fuente, nahuli-cam ang aktwal na pagsabotahe ng lalaki sa mga fore truck na bumabagtas sa makitid na kalsada sa Barangay 121 sa naturang distrito ng lungsod.
“Malinaw naman na emergency response ang pakay ng mga bumbero natin, pero sa halip na tulungan kami hawanin ang daan, hinarang pa ang hanay ng mga boluntaryong lupon ng pamatay sunog,” wika ni Dela Fuente.
Ang masaklap pa aniya, nagpakilalang pulis ang naturang lalaki – dahilan para dumulog sa Manila Police District (MPD) sa hangaring matukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing indibidwal.
Muling iginiit ni Dela Fuente na mahalagang bigyan ng daan ang lahat ng emergency vehicles at responders sa tuwing may sunog o tawag ng saklolo.
Samantala, nagpahayag ng kahandaan ang pamunuan ng MDSW na sampahan ng kaso ang lalaking sangkot sa insidente.
