Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NAGAWANG babuyin ng mga negosyanteng may-ari ng mga private resorts ang Chocolate Hills sa Sagbayan, Bohol dahil sa mga “butas sa batas” na dapat sana’y nagbibigay proteksyon sa tinaguriang protected areas.
Sa isang pahayag ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa pagdinig ng House Committee on Natural Resources kaugnay ng itinayong istruktura ng Captain’s Peak Resort sa loob ng tinaguriang UNESCO World Heritage Site, sinilip din ang kapabayaan ng di umano’y kapabayaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“The problem na nakita ng committee headed by Chairman (Negros Occidental 2nd District Rep. Alfredo) Marañon, are the loopholes…may gray area. Tama yung sinasabi ni Chair na dapat ito is DENR’s job,” wika ni Tulfo.
Batay sa pagsusuri ni Tulfo, lumalabas na nakatayo ang Captain’s Peak sa bahagi ng Chocolate Hills na klasipikadong “alienable and disposable” mula pa noong 1920 – na ang ibig sabihin aniya ay pwedeng ibenta sa pribadong indibidwal.
Sa pamamagitan naman ng Proclamation No. 1037 noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, idineklara ang Chocolate Hills na isang “natural monument” para protektahan ang naturang lugar kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatayo ng kahit anong uri ng istruktura.
Sa pag-upo naman aniya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, inamyendahan ang Proclamation 1037 sa bisa ng Proclamation 333 kung saan ang ipinagbawal ang pagpapatayo ng istruktura 20 metro mula sa baseline ng pamosong burol.
“Yung sinasabi nila, kahit na sabihin nila 1926 pa, alienable, pwede na ibenta, pwede na i-develop yung lugar na yun. Pero por dios por santo, I mean, national heritage, tourist attraction, lalagyan mo naman kung ano-ano, hindi maganda sa mata, di ba?”
“Dapat kinorek ng secretary ng DENR noon si dating Pangulong Ramos. Nasa kamay nila ito to correct it pero hindi lang kinorek. So, may naging problema, kaya nga ngayon itong committee ngayon, we heard a lot already. We will do something about it,” dagdag ng ACT-CIS partylist congressman.
Sa isang banda, tama lang aniya ang pagsingaw ng bulilyaso sa Chocolate Hills para maituwid pa ang mga butas sa umiiral na batas sa protected areas.
“Kaya nga, Congress stepped in and we found out and then we were telling them na mali yan,” pahayag pa ng mambabatas.
“So, I guess they really have to fix that. Mabuti naman na it was brought to our attention para kami naman sa Congress can fix this yung mga batas kung meron mga gagawin, which I’m sure kailangan i-adjust. Kaya nga, we did this hearing,” pagtatapos ni Tulfo.
