MATAPOS dumulog sa Department of Justice (DOJ) para hilingin ang paglulunsad ng imbestigasyon sa paglaganap ng maling impormasyon sa social media, bumalik sa tanggapan ng naturang ahensya ang mga kinatawan ng Presidential Communications Office (PCO).
Ang pakay — maghain ng reklamo sa mga pinaniniwalaang bayarang vloggers na sinasabing nasa likod ng pagpapalaganap ng fake news hinggil sa umano’y malubhang karamdaman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pag-amin ni Justice Secretary Fredderick Vida, nagsumite ang PCO ng panibagong referral kaugnay ng kumakalat na kasinungalingan, makaraan matukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga administrator ng tatlong social media pages kung saan nakabalandra ang aniya’y fake news na nagdudulot ng kalituhan sa publiko.
Kabilang sa posibleng sampahan ng asunto ang mga social media personalities na kinilala sa pangalang Iloy Bugris: The Queen of Revelations, Rigondola Ping at Crage Anderpal.
