Ni ESTONG REYES
HINDI malayong palitan ang pangalan ng Multinational Village sa Parañaque bunsod ng biglang pagdami ng mga Chinese nationals sa naturang residential subdivision, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Patutsada ni Gatchalian, gawin na lang Chinese national village ang naturang lugar dahil sa kabi-kabilang bulilyasong kinasasangkutan ng mga Chinese nationals na nangungupahan sa sikat ng residential subdivision.
Bilang tugon, target ni Gatchalian maglunsad ng “senate investigation in aid of legislation” sa di umano’y human trafficking at online scam na nangyayari sa loob ng Multinational Village sa Parañaque.
“Kailangang matukoy ang mga lapses at butas sa mga proseso sa gobyerno at pambansang seguridad na humantong sa pagtaas ng bilang ng krimen na kadalasang kinasasangkutan ng mga dayuhan. Ang mga ito ay nagdudulot ng malubhang banta sa seguridad at kaligtasan ng mga mamamayang Pilipino,” wika ni Gatchalian.
Sa inihaing Senate Resolution 1032, partikular na binanggit ang sumbong ng mga residente ng Multinational Village hinggil sa kadu-dudang aktibidades ng mga Chinese nationals sa kanilang komunidad.
Apela ng mga residente, seguridad laban sa anila’y kahina-hinalang dayuhan sa kanilang lugar.
Partikular na tinukoy sa sumbong kay Gatchalian ang lugar na tinatawag na ‘City Garden’ na limitado lang di umano sa mga dayuhan.
Anila, may pagkakataong 50 Chinese nationals ang nagsisiksikan sa isang unit na nasa loob ng City Garden – “Dun pa lang kahina-hinala na.”
Kamakailan lang, sinalakay ng mga operatiba ang isang bahagi ng Multinational Village kung saan aresto ang 10 Chinese nationals na nabistong nasa likod ng online scam.
