ANIM na buwang suspensyon ang ipinataw ng Office of the Ombudsman laban kay Bohol Gov. Eric Aumentado bunsod ng sumambulat ng eskandalo kaugnay ng mga naglipanang private resorts sa Chocolate Hills geological park.
Bukod sa gobernador, swak din sa kastigo ang 68 iba pa – kabilang ang ilang alkalde, isang vice mayor, barangay officials, pulis at mga regional officers ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
“The officials were placed under preventive suspension until the administrative adjudication of this case is terminated, but not to exceed six months without pay,” saad sa kalatas ng Ombudsman.
Samantala, naglabas ng pahayag si Aumentado hinggil sa anim na buwang preventive suspension. Tiniyak din ng gobernador ang pagtalima sa kautusan ng Ombudsman, kasabay ng hirit para sa mabilis na pagresolba sa kontrobersiyang nagdawit sa kanya.
“I shall return,” wika ni Aumentado sa mga kawani ng kapitolyo, matapos hilingin ang patuloy na pagsisilbi sa mga mamamayan ng Bohol.
Nag-ugat ang eskandalo matapos magviral sa social media ang video ng Captain’s Peak Resort sa loob ng Chocolate Hills na deklaradong protected area matapos mahirang na heritage site.
