SA kabila ng bantang kalakip ng unilateral fishing ban na idineklara ng China, isang sabayang paglalayag ang ikinasa ng grupong Pamalakaya sa karagatang sakop ng Zambales sa West Philippine Sea bilang protesta sa polisiya ng naturang bansa.
“Pagpapakita ito ng pagtutol ng mga mangingisda sa walang-batayang fishing ban ng China na sasaklaw sa ating teritoryo,” pahayag ni Joey Marabe na tumatayong provincial coordinator ng Pamalakaya sa Zambales.
Partikular na tinukoy ni Marabe ang apat na buwang “fishing moratorium” ng China sa buong South China Sea – kasama ang West Philippine Sea – mula Mayo hanggang Setyembre.
Giit ng Pamalakaya, walang batayan ang fishing ban ng China lalo pa’t pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone West Philippine Sea kung saan nakatakdang maglayag ang mga Pilipinong mangingisda.
“Hinihikayat namin ang mga kapwa namin mangingisda sa lalawigan ng Zambales na suportahan at makiisa sa isasagawa naming sama-samang pangingisda para sa ating karapatan sa West Philippine Sea.”
“Magiging mapagbantay din kami sa anumang reaksyon ng China Coast Guard habang nagsasagawa kami ng kolektibong pangingisda.”
Isasagawa ang collective fishing expedition ngayong araw hanggang bukas (Mayo 31) bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Fisherfolk Day.
Una nang naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs laban sa fishing ban ng China.
Samantala, tiniyak ng Philippine Navy ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pinoy sa karagatang sakop ng West Philippine Sea. Hindi rin anila kinikilala ng pamahalaan alinman sa mga pinakahuling taktika ng China – bantang pag-aresto sa ‘foreign trespassers’ at ang 4-buwang fishing moratorium ng naturang bansa.
