Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BILANG pagkilala sa husay ng mga Pinoy sa iba’t ibang larangan ng palakasan, hindi nagdalawang isip ng pamunuan ng Kamara na bahagian ng tulong pinansyal ang dalawang atletang pambato ng bansa sa nalalapit na 2024 Paris Olympics.
Sa isang kalatas, kapwa tumanggap sina gymnasts Levi Jung-Ruivivar at Carlos Edriel Yulo ng cash assistance mula kay House Speaker Martin Romualdez sa isang simpleng seremonya sa Batasan Complex kanina.
Personal na inabot ni Atty. Lemuel Romero na tumatayong head executive assistant ng Office of the Speaker ang tulong ng lider ng Kamara sa mga nabanggit na atleta.
Sa isang mensahe, nanindigan si Romualdez sa angking husay at determinasyon ng mga pambato ng Pilipinas sa 2024 Paris Olympics. Aniya, hindi matatawaran ang dedikasyon at galing na ipinamalas nina Ruivivar at Yulo.
Kumbinsido rin si Romualdez na may kapwa may kakayahan ang mga nasabing atleta mag-uwi ng karangalan para sa bansa.
“We are here to support you in every way possible, ensuring you have the resources needed to succeed in Paris,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Nauna rito, bumisita kay Romualdez ang delegasyon ng mga atletang Pinoy na sasagupa sa Paris sa pangunguna ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas President Monico Puentevella.
Bago ang pagkakaloob ng cash assistance kina Jung-Ruivivar at Yulo, binigyan din ng tulong ni Romualdez ang iba pang atletang sasabak sa olimpiada kabilang sina weightlifters John Ceniza, Eireen Ando, at Vanessa Sarno, at ang rower na si Joannie Delgaco.
Ipinaabot din ng punong kongresista ang paghanga sa mga atletang aniya’y nagsisilbing inspirasyon sa marami.
“Each one of you has faced numerous challenges and made countless sacrifices to reach this point. Your dedication and perseverance are commendable, and you carry our nation’s hopes and dreams with you,” aniya.
“This financial support is more than a reward; it is a symbol of our belief in your abilities and our commitment to your success. Your victories inspire hope and pride in every Filipino, and you exemplify the power of passion and perseverance,” dugtong pa niya.
“The Filipino athletes’ participation in the Paris Olympics signifies a milestone for the nation, showcasing our country’s talent and competitive spirit on an international platform,” pagtatapos ng pinuno ng 300-plus strong House of Representatives.
