ISANG dambuhalang karangalan para sa bansa ang tagumpay ng isang Pilipino sa prestihiyosong 2026 Wimbledon Cup, ayon kay Senador Mark Villar.
Para kay Villar, higit na marapat bigyan ng natatanging pagkilala ang husay at determinasyon ni Filipina tennis star na si Alexandra “Alex” Maniego Eala.
Sa inihaing Senate Resolution 507, partikular na isinusulong nj Villar ang pambansang pagkilala kay Eala matapos ang makasaysayang tagumpay sa ginanap na 2026 Wimbledon Championships.
Aniya, hindi matatawaran ang ambag ni Eala sa larangan ng Tennis, gayundin sa pagiging inspirasyon niya sa milyon-milyong kabataang Pilipino.
Si Eala ang naging kauna-unahang Pilipino na nakapasok sa Round of 16 ng isang Grand Slam singles tournament matapos talunin ang ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo, kabilang ang defending Wimbledon champion at dating World No. 1 na si Iga Świątek.
“Vamos, Alex! Ang tagumpay mo ay patunay na world-class ang atletang Pilipino. Ang iyong sipag, disiplina, at tiyaga ay nagbibigay-inspirasyon sa ating mga kabataan na mangarap nang malaki at magsumikap upang maabot ang kanilang mga pangarap,” ani Villar.
“Sa bawat panalo mo, mas lalo mong itinataas ang bandila ng Pilipinas at ipinapakita sa buong mundo ang husay at determinasyon ng atletang Pilipino. Higit sa lahat, ipinapaalala mo sa ating mga kabataan na ang tunay na tagumpay ay bunga ng sipag, tiyaga, at determinasyon,” dagdag pa niya.
Sa edad na 21, nakapagtala na si Eala ng mga tagumpay na bihirang maabot sa mundo ng tennis. Siya ang kauna-unahang Pilipinong nagkampeon sa Grand Slam junior singles matapos mapanalunan ang 2022 US Open Girls’ Singles, ang unang Pilipino sa Open Era na nagwagi sa isang Grand Slam main-draw singles match, isang WTA singles champion, gold medalist sa 2025 Southeast Asian Games, at ang pinakamataas na naitalang ranked na Pilipinong tennis player sa kasaysayan matapos maabot ang World No. 28.
“Ang higit na kahanga-hanga kay Alex ay ang kanyang karakter. Sa bawat panayam at pagharap sa publiko, makikita ang kanyang kababaang-loob, paggalang sa kanyang mga katunggali, at pagmamahal sa Pilipinas. Patunay ito ng magandang pagpapalaki sa kanya ng kanyang pamilya bilang isang huwarang atleta at mabuting mamamayan,” ani Villar.
“Patuloy mong dalhin ang ating bandila nang may dangal. Ipinagmamalaki ka ng buong sambayanang Pilipino at naniniwala kaming mas marami ka pang kasaysayang maisusulat para sa ating bansa. Muli, congratulations, Alex! Nasa likod mo ang buong sambayanang Pilipino sa bawat laban at tagumpay,” pagtatapos ni Villar.
