
DAHIL sa kapalpakan sa paghahain ng mandamiento de arresto laban sa puganteng Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy, sinibak sa pwesto ang hepe ng Davao Regional Police Office.
Bukod kay Police Brig. Gen. Aligre Martinez, laglag din sina Directorate for Operation Police Major Gen. Ronald Lee at Intelligence Group chief Police Col. Edwin Portento.
Gayunpaman, nilinaw ni PNP Public Information Office chief Police Col. Jean Fajardo layon ng balasahan bigyang daan ang imbestigasyon para matukoy kung may paglabag sa police operational procedure (SOP), kapabayaan at kamalian sa pagsisilbi ng warrant of arrest sa isinagawang raid apat na lugar kung saan pinaniniwalaang nagtatago si Quiboloy.
Samantala, hinirang na kapalit ni Martinez si Brig Gen. Nestor Torre bilang bagong hepe ng Davao Regional Police Office.
“Kung matatandaan natin noong June 10, nagsagawa tayo ng police operation sa Davao particularly yung implementation ng service of WOA (warrant of arrest) at may mga senior officers tayo na direktang may kinalaman doon sa pag-seserve ng warrant… sinasabi ng ibang sektor na nagkaroon ng pang-aabuso, nagkaroon ng overkill at hindi na-exercise ‘yung sinasabing maximum tolerance,” paliwanag ni Fajardo.
Kabilang rin sa sinibak sa pwesto ang siyam na pulis mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), isang PNP personnel mula sa Traffic Management Unit (TMU) at isa pa mula sa Special Action Force (SAF).
Samantala, nanindigan si Fajardo na naaayon sa batas at lehitimo ang operasyon para sa paghahain ng warrant of arrest laban kina Quiboloy na namataan sa pinasok sa KOJC Compound sa Barangay Buhangin, Davao City.