SA gitna ng panaghoy ng mga mamamayan hinggil sa mataas na singil sa konsumo ng kuryente, nanawagan sa pamahalaan si Pangasinan 2nd District Rep. Mark Cojuangco na ikonsidera ang “nuclear power” bilang alternatibo.
Para kay Cojuangco, abot-kamay ng mga mamamayan ang murang kuryente sa bisa ng nuclear energy.
Sa isang pagtitipon ng mga mamamayan sa lalawigan ng Pangasinan, nagpahayag ng kahandaan ang lokal na pamahalaan ng Labrador na magsilbing “host” ng kauna-unahang modern Nuclear Power Plant sa bansa.
Paliwanag ng kongresista, ang paggamit ng nuclear energy ay makakatulong sa pagbaba ng presyo ng kuryente at pag-unlad ng lokal na ekonomiya.
Dumalo din sa talakayan si Dr. Carlo Arcilla, director ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) mga lokal opisyal, at daan-daang residente sa pagbabahagi ng kaalaman sa potensyal ng nuclear energy bilang malinis at abot-kayang kuryente para sa mga mamamayan.
Kumbinsido rin si Cojuangco na kagyat matatapyasan ng hindi bababa sa P5 kada kilowatt hour ang singsil sa konsumo ng kuryente — bukod pa sa libreng enerhiya Ayon kay Cojuangco, sa nuclear power bababa ng P5 kada-kilowatt-hour ang presyo ng kuryente sa host municipality.
Sa aspeto ng negosyo, malaking bentahe rin umano ang matitipid ng mga establisyemento — “Ang matitipid ng mga kumpanya, pwede siguro gamitin pandagdag sa sahod at benepisyo ng mga manggagawa,” ani Cojuangco.
Nang tanungin hinggil sa pwedeng pagtayuan, nanindigan ang kongresista na ang bayan ng Labrador – partikular sa Lingayen Gulf – ay isang “strategic location” para sa “nuclear development.”
Binanggit din ng beteranong mambabatas ang 2024 Social Weather Stations (SWS) survey na nagpapakita ng malawak na suporta ng mga Pilipino sa nuclear energy.
Gayunpaman, palaisipan kay Cojuangco ang pagpigil ng Department of Energy (DOE) sa resulta ng survey.
“Matagal nang malinaw sa taumbayan—gusto nila ng mas murang kuryente at matatag na trabaho. At iyan ang kayang ibigay ng nuclear energy,” dagdag ni Cojuangco.
Ipinaliwanag din niya na ang Labrador Nuclear Power Plant (LNPP-1) ay may kakayahang magdagdag pa ng tatlong 1,100 MW reactors, bukod sa kasalukuyang mga pasilidad sa Bagac, ang high-voltage line patungong Maynila, at ang Caliraya-Botocan-Kalayaan (CBK) pumped storage facility, lahat ay tinatayang nagkakahalaga ng $2 bilyon na maaaring gamitin bilang puhunan sa mga bagong planta.
“Sa presyong P5/kWh, maaaring makalikom ng P154 bilyon kada taon habang makatitipid ng $1.5 bilyon mula sa hindi na kailangan pag-angkat ng coal at LNG,” paliwanag pa ni Cojuangco.
Sinang-ayunan naman ito ni Dr. Arcilla, na nagsabing ang nuclear power ay malinis, ligtas, at pangmatagalang solusyon sa enerhiya.
“Ito ang pinakamura at pinakamatatag na source ng kuryente ngayon, at nakatutulong pa itong bawasan ang greenhouse gas emissions,” ani Arcilla.
Nagpahayag din ng buong suporta si Labrador Mayor Noel Uson, na nagsabing handa ang bayan na yakapin ang pambihirang pagkakataon na hudyat ng pag-asenso.
“Labrador is ready. Ang proyektong ito ay tugma sa aming layunin na paunlarin ang ekonomiya, imprastraktura, at buhay ng aming mamamayan,” wika ng alkalde.
Binigyang-diin din ni Cojuangco ang kahalagahan ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilAtom) Law, na nagtatatag ng independent regulatory body para sa ligtas at transparent na pagpapatakbo ng mga nuclear facilities.
“Sa pagpirma ng PhilAtom Law, may matatag na batayan na tayo para sa ligtas, maayos, at globally compliant na paggamit ng nuclear energy,” aniya.
Ang bayan ng Labrador ay bahagi ng Stand Up for Nuclear 2025, na inorganisa ng Alpas Pinas, isang non-profit group na nagtataguyod ng nuclear energy bilang malinis at sustainable na solusyon sa enerhiya.
“Ang nakita natin sa Labrador ay tunay na pagkasabik sa pagbabago. Nauunawaan ng mga tao na ligtas at makataong solusyon ang nuclear energy para sa mas maunlad na kinabukasan,” pahayag ni Gayle Certeza, convenor ng Alpas Pinas. (EDWIN MORENO)
