SA gitna ng kabi-kabilang udyok para sa pagbabalik-pulitika ni former President Rodrigo Duterte, tatlong Duterte ang kumasa sa hamon ng pagtakbo bilang senador pagsapit ng 2025 midterm election – ang matandang Duterte at dalawang anak na lalaki.
Ayon kay Vice President Sara Duterte, plano ng kanyang ama at dalawang kapatid na sina Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na sabayang maghain ng kandidatura pagsapit ng Oktubre ng kasalukuyang taon.
“Lahat sila raring na tumakbo eh. Si PRRD (President Rodrigo Roa Duterte) senator, yung kuya ko si Paolo Duterte, ‘yung congressman ngayon, senator. Si Sebastian Duterte rin,” wika ni VP Sara sa isang panayam sa Cagayan de Oro.
“Tatlo ang Duterte next year… yes, confirmed yan,” dagdag ng bise presidente ng bansa.
Itinanggi rin ni VP Sara na tatakbo siyang Pangulo sa 2028. Gayunpaman, isang miyembro aniya ng pamilya Duterte ang sasabak sa 2028 presidential election – si Mayor Baste.
Sa pagsampa ng ama at dalawang kapatid sa pwesto, pinayuhan naman di umano siya ng kanyang ina na bumalik na lang sa Davao City para magsilbing alkalde ng lungsod.
Nang tanungin kung magbibitiw na rin siya sa pagiging bise presidente, ang tugon ni VP Sara – “Walang ganon na usapan.”
Kamakailan lang nang magbitiw si VP Sara bilang Kalihim ng Department of Education at Vice Chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
