BILANG pagkilala sa ambag ng sektor ng kabataan sa lipunan, binigyang-pugay ni Senador Mark Villar ang mga estudyanteng nagsipagtapos ngayong taon.
Higit pa sa pagkilala, pinarangalan din ni Villar ang mga natatanging lider estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa buong bansa.
Bilang pambungad na hakbang, ginarantiyahan ng senador ang patuloy na pagsusulong ng mga panukalang batas na naglalayong magbukas ng mga oportunidad para sa magandang kinabukasan ng mga tinaguriang “pag-asa ng bayan.”
Kabilang sa mga ginawaran ng Mark Villar Leadership Awards ang mga natatanging estudyante mula sa iba’t ibang pampublikong mataas na paaralan, kabilang ang Baybay City Senior High School, Camarines Sur National High School, Iloilo National High School, Leyte National High School, Masbate National Comprehensive High School, Negros Occidental High School, New Ormoc City National High School, at Ormoc City Senior High School.
“Patuloy nating binibigyang-pugay ang sipag, tiyaga, dedikasyon, at pamumuno ng ating mga lider-estudyante na nagtapos ngayong taon. Sila ang magsisilbing haligi ng ating kinabukasan at pag-asa ng bayan,” wika ni Villar.
Pinuri rin ng mambabatas ang mga nagtapos ng Batch 2026 sa ipinamalas na tiyaga, husay at tatag sa larangan ng akademya at iba pang kurikular na gawain.
Hinikayat din niya ang mga nagsipagtapos na patuloy na magsusumikap tungo sa kahusayan at magiging aktibong katuwang sa pag-unlad ng bansa.
