Ni LILY REYES
ISA na namang pulis na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD) ang dinakip ng mga kabaro sa isang operasyon kontra droga sa Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na si Police Corporal Antonio Lagatic Salamanque, 53-anyos, tubong Iriga City at nakatalaga sa CIDU-QCPD.
Nakuha sa pag-iingat ni Salamanque ang 200 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P1.3 milyon matapos ikasa ang buy-bust operation base sa timbre ng lokal na impormante ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG).
Batay sa imbestigasyon ni Patrolman Rey Leonard Daplas ng PNP-DEG, ikinasa ang buy-bust operation kasama ang lokal na pulisya hatinggabi ng Hunyo 24. Dakong alas 2:50 naman nang tuluyang masakote sa Barangay Sibujo si Salamanque habang nakikipagpalitan sa pulis na nagpanggap na parokyano ng droga.
Bukod sa droga, kumpiskado rin sa mga operatiba ang buy-bust money, service firearm at mga bala.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Libmanan ang pulis na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 na mas kilala sa tawag na Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Kamakailan lamang, sinibak din sina Staff Sergeants Roland Mansibang at Elmer Potoy na kapwa CIDU-QCPD, matapos matapos maghasik ng tensyon sa mga residente ng Multinational Village sa Paranaque City, kung saan di umano nagsasagawa ng surveillance operation laban sa isang alyas “Mac-Mac.”
Sa kalagitnaan ng operasyon, nagpaputok di umano ng baril ang mga pulis, dahilan para mabalot ng takot ang mga residente ng naturang komunidad.
Paliwanag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, nilabag ng nina Mansibang at Potoy ang standard operating procedures matapos mabatid na walang lehitimong mission order ang naturang operasyon.
