
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA hangaring isulong ang kapakanan ng sektor na nagbibigay ng pagkain sa mesa ng bawat pamilya, isang kasunduan ang pinagtibay sa pagitan ng Agri partylist at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“As I always say, ‘Filipinos deserve better, and we should demand better.’ Patunay ang MOU na ito na hindi tayo puro salita, kundi seryoso talaga tayo sa mga pinaglalaban natin. Today we elevate our efforts to inform our countrymen about the health services and benefits available to them,” pahayag ni Agri partylist Rep. Wilbert Lee matapos ang makasaysayang paglagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) na naglalayong bigyan importansya ang mga Pilipinong magsasaka at mangingisda.
“The commitment outlined in our Memorandum of Understanding boosts our information dissemination efforts through various platforms, programs and projects we have. We declare our unwavering dedication to equip our farmers, fisherfolk, agricultural workforce, and every Filipino with the right knowledge about the health benefits they are entitled to,” dugtong ng kongresistang nangalampag at nagsulong ng 30% increase sa PhilHealth benefits gamit ang P466 billion investible funds at P68.4 billion net income, bukod pa sa mahigit P100 billion government subsidy kada taon ng naturang ahensya.
Sa walang humpay na panawagan ni Lee, umayon ang PhilHealth na itaas sa 30 porsyento ang benefit packages ng mga manggagawang buwanang kinakaltasan ng nabanggit na ahensya.
“Kaya nagpapasalamat tayo sa PhilHealth sa pangunguna ni PCEO Mandy Ledesma sa pakikinig sa ating mga panawagan o pangungulit,” sambit ni Lee sa pag-ayon ng PhilHealth sa kanyang mungkahi.
“Pero alam natin na hindi natatapos sa pagdaragdag ng mga health benefits ang ating trabaho. Dapat mabigyan ng access dito ang ating mga kababayan. Dahil paano mapapakinabangan ng mga Pilipino ang mga benepisyong pangkalusugan ng ahensya kung hindi nila alam ang mga ito?”
Sa pag-ikot ng Bicolano solon sa iba’t-ibang panig ng bansa, lumalabas aniya na karaniwang daing ng mga mamamayan ang pangamba sa kalusugan lalo pa’t wala silang kakayahan tustusan ang gamutan sa sandaling matuklasan ang kanilang karamdaman.
“Bukod sa pagkain, kalusugan po ang dinadaing sa atin ng ating mga kababayan, na nahihirapan silang makatulog sa gabi dahil sa takot o pangamba na kapag may nagkasakit sa pamilya nila, wala silang pambili ng gamot, wala silang pambayad sa ospital, hindi sila makapagtrabaho. Natatakot sila na baka tuluyang mabaon sa utang at kahirapan, at wala nang pag-asang makaahon sa hirap ng buhay.”
“Bawat impormasyon, programa, at mga pagbabago sa serbisyo ng PhilHealth ay sisikapin nating maiparating sa bawat Pilipino at sa lahat ng dako ng Pilipinas. Walang maiiwan, dapat alam ng lahat. Dahil lahat tayo, may karapatan sa maayos at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan. Mayaman man o mahirap, may karapatang mabuhay,” dagdag niya.
Binigyan-diin ni Lee na ang paglagda niya sa nabanggit na kasunduan ay simula pa lamang ng mahaba at makabuluhang pakikipagtulungan niya sa PhilHealth sa layunin na ring mapabuti ang health sector ng bansa.
“Magtulungan po tayo upang maipagkaloob sa mga Pilipino ang de-kalidad, abot-kaya, mapagmalasakit, at may pusong healthcare service para mabura ang pangamba ng mga Pilipino na lalo silang malulubog sa kahirapan kapag nagkasakit dahil walang pambili ng gamot o pambayad sa ospital. Kasabay nito ang pagsisikap natin para isulong ang tiyak na trabaho, dagdag na kita, at ang sapat at murang pagkain,” aniya pa.
“Tuloy-tuloy po ang ating bayanihan tungo sa isang malusog, maunlad at makatarungang lipunan kung saan Winner Tayo Lahat!.”