HINDI pa man ganap na na-abswelto sa kontrobersyal na flood control kotong, isang panibagong iskandalo ang bumulaga sa mga residente mula lungsod ng Marikina.
Sa isang kalatas ng Department of Justice (DOJ), partikular na tinukoy si Marikina City Rep. Marcy Teodoro na inireklamo ng dalawang babaeng pulis na umano’y minolestiya ng mambabatas.
Ayon sa DOJ, dalawang complaint-affidavit ang inihain kontra kay Teodoro sa National Prosecution Service. Parehong babaeng pulis na nagsilbing close-in security ng kongresista sa magkaibang panahon ang nagsampa ng reklamo.
Kabilang sa mga alegasyon laban sa kongresista ang acts of lasciviousness at rape by sexual assault.
Kapwa inilipat na sa Philippine National Police headquarters sa Camp Crame ang dalawang babaeng pulis para tiyakin ang kanilang kaligtasan.
Samantala, tiniyak ng PNP Women and Children Protection Center ang pakikipag-ugnayan sa Criminal Investigation and Detection Group kaugnay ng kasong inihain ng dalawang babaeng pulis na umano’y hinalay ng Marikina congressman.
Ayon kay WCPC Spokesperson Major Shari Vanneza Deseo, ibibigay sa mga umano’y biktima ng kahalayan ang angkop ng proteksyon, kasabay ng garantiya sa pagtutok sa mga inihaing demanda laban sa kongresista. (EDWIN MORENO)
