HABANG abala ang kongreso sa pagdinig sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kinalampag ng mga residente ng Marikina City ang lokal na pamahalaan hinggil sa umano’y irregularidad sa mga programang imprastraktura sa ilalim ng dating alkalde.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ng mga demonstrator at mga miyembro ng civic organizations na nakabase sa Marikina ang kultura ng katiwalian na iniwan ni former Marikina City Mayor Marcy Teodoro, na kasalukuyang nakaupo bilang Kinatawan ng unang distrito ng lungsod sa Kamara.
Isinagawa ang kilos-protesta sa loob ng bulwagan ng Sangguniang Panlungsod. Bagamat pinahintulutan maglabas ng saloobin sa harap ng mga konsehal, bigla naman pinatayan ng ilaw si Father Emerson Beriones na kabilang sa mga nagpahayag ng pagkadismaya sa lantarang katiwalian sa lokal na pamahalaan.
Suspetsa ng mga residente at lider ng iba’t-ibang organisasyon kontra korapsyon, sadyang sinabotahe ang pari.
Asawa ni Congressman Teodoro ang kasalukuyang alkalde ng Marikina.
Bago pa man nanungkulan bilang kongresista, una nang pinatawan ng suspensyon ng Office of the Ombudsman si Teodoro, kasama ang ilang konsehal at opisyales ng lokal na pamahalaan dahil sa kasong technical malversation.
Bunga ng suspensyon, pansamantalang nagtalaga ng mga OIC councilors — kabilang ang isang nagngangalang Loel de Leon na higit na kilala sa Marikina bilang malapit na kaibigan ni Teodoro.
Sa panahon ni Teodoro bilang mayor, si de Leon na anak ng may-ari ng Bell Construction ang umano’y karaniwang “nakakasungkit” ng mga local infrastructure projects—kabilang ang konstruksyon ng Tañong High School na may orihinal na completion date noong Agosto 3, 2025.
Ngunit sa kabila ng nakatakdang petsa, hindi pa rin natatapos ang proyekto at kasalukuyang butas pa lamang sa lupa ang makikita sa lugar.
Ayon sa mga residente, matapos pumutok ang isyu, agad na tinanggal ang dating karatulang nagtatakda ng petsa ng pagtatapos ng proyekto. Sa bagong karatula, nakasaad na Disyembre 2025 ang completion date.
Kabilang si Teodoro sa talaan mga kongresistang umano’y tumanggap ng “kickback” sa mga proyekto, batay na rin sa sinumpaang salaysay ng mag-asawang state witnesses na Curlee at Sarah Discaya.
Ang Bell Construction din ang kumpanyang umano’y kumukuha ng “kickback” para kay Teodoro mula sa mga kontratang nasungkit ng mag-asawang Discaya.
