ANG mga nagpakilalang tagapagbalita, laman na ngayon ng balita. Ito ang kinahantungan ng limang indibidwal na dinakip ng lokal na pulisya bunsod ng umano’y pangongotong sa mga peryahan sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sa ulat ng Camarines Norte Provincial Police Office, kabilang sa mga inaresto sina alyas Ariel na nagpakilalang brodkaster sa isang Internet TV broadcaster at residente ng Trece Martires City sa Cavite, alyas Noel mula Antipolo City sa lalawigan ng Rizal at ang tatlong iba pang tinukoy lang sa pangalang Rod, Rowel at Angie.
Sa imbestigasyon, lumalabas na isang tawag ang natanggap ng lokal na pulisya mula sa tagapangasiwa ng peryahan sa bayan ng Jose Panganiban.
Sumbong ng peryante, kinikilan na umano sila ng P6,000 ng mga suspek pero pilit pa rin aniyang humihingi ng karagdagang halaga, kasabay ng banta na ipapasara kung hindi tatalima.
Bilang tugon, agad na ikinasa ng mga pulis ang entrapment operation sa Barangay Gumaus sa bayan ng Paracale kung saan inaresto ang mga pekeng reporter.
Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa Camarines Norte Provincial Police Custodial Center.
