Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“PWEDE nang magsession sa dami ng kongresistang sumama!”
Ito ang malugod na pahayag ni House Speaker Martin Romualdez sa pagbubukas ng 2-day ‘Mega Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), na flagship public service program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan umabot sa 240 kasapi ng Kamara ang dumagsa sa Tacloban City para personal na saksihan ang pagdaraos ng naturang program.
“Tayo po ay sobrang natutuwa at napakaraming mambabatas ang dumalo sa ating mega Serbisyo Fair sa Eastern Visayas. Mayorya o minorya, hindi alintana ang pagkakaiba para masaksihan kung paano ginagamit ng pamahalaan ang pondong ating inilaan para sa mamamayan,” sambit ni Romualdez.
“Dahil iisa ang House of Representatives na ating kinabibilangan, at lahat tayo ay bumalangkas sa national budget at ating pinagdebatehan at inaprubahan ang pondong ilalaan sa pagtulong sa ating mga kababayan. At ito ang nasaksihan natin ng personal nitong katatapos lamang na Serbisyo Fair,” dagdag niya.
Bukod sa record-breaking, naniniwala rin si Roualdez na makasaysayan para sa Kamara ang pagtitipon ng 240 kongresistang nakibahagi sa BPSF sa Tacloban City – dahilan para bansagang super mega ang BPSF event bunsod na rin aniya ng sabayang paglulunsad ng magkakatulad na programa sa iba’t ibang bahagi ng Eastern Visayas region kung saan aabot sa P1.26 billion halaga ng government services ang ipinagkaloob sa kabuuang 253,000 beneficiaries.
Kabilang sa mga lugar kung saan ginanap ang mini-caraan ay ang Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Southern Leyte, at Biliran provinces.
Dumalo rin aniya ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan kabilang sina Sen. Bong Revilla, Department of Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac, 12 governors, tatlo vice governors, siyam na mayors, at 16 officials mula sa Executive Department.
