PAGKATAPOS yanigin ng magnitude 6.8 na lindol, nagpatuloy ang pag-uga ng lupa sa lalawigan ng Surigao del Sur kung saan umabot sa 468 ang naitalang aftershocks.
Sa pinakahuling abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong alas 6:21 ng umaga nang maramdaman ang pag-ugoy ng lupa nitong nakaraang Sabado, Agosto 3.
Hindi pa man ganap na napungasan ang mga residente, muling nakaramdam ng malakas na pag-uga ng lupa sa naturang lalawigan – at nasundan pa ng sunod-sunod na aftershocks na umabot sa lakas na magnitude 6.1 batay sa pagsusuri ng Phivolcs.
Kabilang sa mga apektadong lugar ng lindol ang Lingig, Hinatuan at Bislig sa Surigao del Sur (Intensity 5); bayan ng Nabunturan sa Davao de Oro, Davao City (Intensity 4); Don Marcelino sa Davao Occidental, Inabanga sa Bohol at Baybay City sa Leyte (Intensity 3.
Ramdam din ang lindol sa Mambajao sa Camiguin, Sogod sa Southern Leyte, Cotabato City at Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao.
Gayunpaman, walang naitalang nasaktan bahagat patuloy pa ang pagsusuri sa mga imprastraktura.
