HINIMOK ng Civil Service Commission (CSC) ang mga kuwalipikadong barangay health workers (BHWs) na mag-apply para sa career service eligibility na magbibigay daan para sa permanenteng posisyon sa pamahalaan.
Sa isang pahayag, binigyang pagkilala ni CSC Chairperson Karlo Nograles ang mga BHWs sa patuloy na paglilingkod sa mga komunidad sa kabila pa ng kawalan ng sweldo mula sa gobyerno.
Gayunpaman, nilinaw ni Nograles na may batas na pwedeng makatulong sa naturang sektor para maging permanente ang trabaho sa gobyerno. Partikular na tinukoy ng CSC chairperson ang Republic Act 7883 (Barangay Health Workers’ Benefits and Incentives Act of 1995), gayundin ang CSC Resolution No. 992845, kung saan sinusuklian ng pamahalaan ang voluntary service ng mga BHWs sa paraan ng civil service eligibility.
“Our BHWs, although volunteers, are vital frontliners in our mission to provide accessible and reliable primary healthcare services at the local level. The Barangay Health Worker Eligibility (BHWE) serves as a token of appreciation, recognizing not only their invaluable role as special partners in promoting a healthier nation but also their dedication to public service,” wika ni Nograles.
Bukas aniya ang career service eligibility sa mga local health board-accredited BHWs na nakapagsilbi sa nakalipas na limang taon at nakakumpleto ng two years college education tungo sa ganap na pagtatapos sa kolehiyo.
Paglilinaw ng CSC chief, dapat hindi empleyado.
Sinabi rin ni Nograles na ang eligibility ay maaaring magamit sa pag-apply sa first-level positions sa gobyerno, na hindi naman kabilang ang posisyon na nasa ilalim ng Categories I at IV ng CSC Memorandum Circular No. 11, s. 1996, stenographer positions, at posisyon na kailangan ang pagiging Board examinations passer.
Nakasaad din sa nasabing resolusyon na ang BHWs na natanggap ng ahensya sa ilalim ng Job Order status o kaya’y Contract of Service ay maaari ring makakuha ng eligibility na ibinibigay sa BHW. Subalit ang anumang serbisyo na ibinigay bago ang 20 February 1995, o petsang pinagtibay ang RA 7883, ay hindi kwalipikado sa pagkuha ng career eligibility.
Sa ilalim ng Implementing Rules and Regulations ng RA No. 7883, inaatasan ang mga ahensya ng pamahalaan na bigyang prayoridad ang BHWs sa pagkuha ng health personnel.
“By providing BHWs with the special eligibility, CSC hopes to give them an advantage in applying for positions in the government. Should the BHWs later become permanent employees of the government, their volunteer services shall be included in the computation of their retirement benefits,” aniya pa.
Para sa kumpletong detalye hinggil sa Barangay Health Worker Eligibility, mangyaring i-access ang CSC website sa pamamagitan ng https://csc.gov.ph/special-eligibilities/barangay-health-worker-eligibility.
