Ni JAM NAVALES
SA gitna ng kawalan ng katiyakan bunsod ng perwisyong dulot sa karagatan ng tumagas na langis mula sa lumubog na oil tanker, iminungkahi ng isang partylist congressman sa pamahalaan na bigyan ng agarang ayuda at alternatibong kabuhayan ang mga apektadong residente at mangingisdang umaasa sa Manila Bay.
Sa inihaing House Resolution 1825, target na Lee ang kagyat na tugon ng pamahalaan lalo pa’t wala pang katiyakan kung hanggang kailan o kung paano masosolusyonan ng gobyerno ang perwisyong dulot ng MT Terra Nova na lumubog sa karagatan mahigit isang linggo na ang nakaraan.
Hirit ni Lee, magsagawa ng masusing environmental at livelihood impact assessment upang makapaglatag ng kaukulang hakbang ang gobyerno gayundin ang pagsasampa ng kaso at danyos sa kumpanyang nagmamay-ari ng MT Terra Nova.
Sa pagtaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), aabot sa 11,000 mangingisda sa Bataan at nasa 8,000 naman sa Bulacan ang apektado – katumbas ng halos P150 million buwanang pagkalugi.
“Thousands of fisherfolk are on the brink of losing their livelihood for months due to the oil spill. Katiting na nga lang ang kinikita ng ating mga mangingisda, posible pang mabawasan o wala na talaga silang kitain dahil sa oil spill na ito. Kailangang bilisan ang pagtukoy sa mga apektadong komunidad at ang pamamahagi ng ayuda at alternatibong pagkakakitaan lalo na kung magdeklara ng fishing ban sa Bataan, Bulacan, Cavite at iba pang apektadong lugar,” pahayag ng partylist congressman.
Giit ng kongresista, palakasin ang iba pang programa ng pamahalaan, gaya ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaaring magamit sa pagtulong sa mga mangingisda.
“Kailangan magdoble kayod ang gobyerno sa implementasyon ng mga programang tulad ng TUPAD para sa mga lugar na inabot na ng oil spill. Bukod sa peligro sa kalusugan, mahirap na hamon para sa mga apektado nating kababayan ang pagkukunan ng pagkain at pagkakakitaan,” dugtong ni Lee.
“Isa pang mahalagang malaman dito yung coverage ng insurance ng barkong tumaob. Kailangang matukoy ang accountability ng kumpanya ng barko at dapat malaman ang kompensasyon sa mga mangingisda at residente hindi lang sa panandaliang panahon, kundi pati na ang pangmatagalang epekto sa kanilang kabuhayan at pamumuhay,” dugtong ng mambabatas.
“Prayoridad natin ang pagsuporta sa ating mga magsasaka at mga mangingisda dahil sila ang nagbibigay ng pagkain sa bawat pamilyang Pilipino. Kapag may tiyak silang kabuhayan, may sapat silang kita, gaganahan silang taasan ang produksyon, abot-kamay ang murang pagkain, at mawawala ang pangamba na magkasakit dahil may pambili ng gamot o pambayad sa ospital, Winner Tayo Lahat!”
