LABING-WALONG miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang nahaharap sa kasong direct assault at obstruction of justice matapos kuyugin at saktan ang mga pulis na inatasan dakpin si Pastor Apollo Quiboloy na pinaniniwalaang nagkukubli sa loob ng 30-ektaryang KOJC compound sa Buhangin District, sa Davao City.
Ayon kay Davao regional police spokesperson Major Catherine dela Rey, kasalukuyang nasa pagamutan ang pitong unipormadong PNP personnel matapos kuyugin, paputukin ang ulo, suntukin at paduguin ang mukha at iba pang bahagi ng katawan ng mga KOJC members na nagpoprotesta.
Nangyari aniya ang pananakit sa mga pulis nang magkagulo sa kilos-protesta sa labas ng KOJC compound.
Bukod sa pumutok na ulo, may sugat sa leeg, likod, batok, tuhod at paa, dumugo rin ang ilong ng mga pulis dahil sa walang patumanggang suntok na binitawan ng mga KOJC members.
Sa pitong sugatang pulis, anim ang isinugod sa Camp Quintin M. Merecido Hospital (CQMMH).
Ayon pa kay dela Rey, lubhang ikinagalit ng mga tagasuporta ni Quiboloy ang pag-awat ng mga pulis sa mga KOJC members sa pagsusunog ng gulong ng sasakyan sa gitna ng kalsada.
Bukod sa mga miyembro ng kulto, kasama rin umano sa mga nakigulo ang ilang indibidwal na pinaniniwalaang binayaran para magpasimula ng gulo.
Paglilinaw ni dela Rey, prayer rally ang nakasaad sa permit na iginawad ng lokal na pamahalaan pero sa halip na magdasal, isang maingay at magulong kilos protesta ang isinagawa ng KOJC members.
