ISANG panibagong pasyente ng monkeypox (mpox) ang naitala ng Department of Health (DOH) sa Northern Samar – ang ika-11 kumpirmadong kaso ng naturang karamdaman sa buong bansa.
Base sa advisory ng ahensya, isang 24-anyos na lalaki ang lumabas na may mpox matapos makita ang mga sintomas tulad ng lagnat na umabot ng dalawang linggo, panghihina ng katawan at vesicular rashes.
Ayon sa kagawaran, wala umanong travel history ang pasyente at kasalukuyang ginagamot sa Northern Samar Provincial Hospital. Naka-isolate at sumasailalim sa confirmatory testing para sa mpox.
Kasabay ng paglalapat ng lunas sa pasyente, ikinasa na rin di umano ang contact tracing sa mga taong nakasalamuha ng lalaki.
Garantiya ng DOH, fully-operational na ang sistema ng kagawaran para tugunan ang anumang kaso ng mpox. Bantay-sarado na rin anila ang mga komunidad na posibleng nasa panganib ang kalusugan mula sa naturang sakit.
Samantala, hinikayat ng DOH ang publiko na huwag basta maniwala sa mga nababasa sa social media tungkol sa mpox. Hirit pa ng ahensya, kumuha lang ng impormasyon sa mga mapagkakatiwalaang sources tulad ng DOH.
Inanunsyo na rin ng DOH ang paggaling ng 33-anyos na pasyenteng tinamaan din ng mpox sa Quezon City. Wala rin umanong travel history sa labas ng Pilipinas ang naturang indibidwal.
