Ni ESTONG REYES
KINALAMPAG ni Senador Win Gatchalian ang mga lokal na pamahalaan para sa mas pinaigting na kampanya sa pagsugpo ng malnutrisyon, kakulangan sa nutrisyon, at pagkabansot sa mahihirap na pamilya.
Sa nakaraang briefing sa Senado, natuklasan ni Gatchalian na kailangan ang mahigit P40 bilyon upang maitaas ang halaga ng ayuda sa benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipinong Program (4Ps).
Ayon kay Action for Economic Reform Executive Director Filomeno Sta. Ana III, layon ng 4Ps sugpuin ang malnutrisyon at makaagapay sa dagok ng walang humpay na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Batay sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), isa sa tatlong batang Pilipinong hindi pa tumutuntong sa edad na limang taong gulang ang stunted o maliit para sa kanilang edad.
Binigyang diin ng pag-aaral ang pinsalang sanhi ng stunting sa ekonomiya at pag-unlad ng bansa. Noong 2019, may pagtataya ang UNICEF na umabot sa P174.4 bilyon kada taon ang katumbas na pinsalang sanhi ng pagkabansot ng ekonomiya.
Maliban sa pagdagdag ng pondo, binigyang diin ni Gatchalian ang mahalagang papel ng mga local government units (LGU) sa pagpapatupad ng mga programa sa nutrisyon at feeding.
Sa ilalim ng Basic Education and Early Childhood Care and Development Alignment Act (Senate Bill No. 2575) na inihain ni Gatchalian, magiging responsable ang LGU sa pagpapatupad ng programa para sa early childhood care and development (ECCD).
Aniya, sasaklawain ng panukala ang kabuuan ng programang pangkalusugan, nutrisyon, early childhood education, at social services development upang tugunan ang pangangailangan ng batang wala pang limang taong gulang.
Nakasaad sa naturang panukala na maglalaan ang LGU ng pondo mula sa kanilang Special Education Fund at Gender and Development Fund para sa pagpapatupad ng programa sa ECCD.
Kabilang sa magiging responsibilidad ng LGU ang pagkamit ng universal coverage para sa National ECCD System, ang probisyon ng pasilidad at iba pang mga resources, ang paglikha ng plantilla positions para sa child development teachers at child development workers, at iba pa.
“Sa pagsugpo natin sa malnutrisyon, mahalaga ang pakikilahok ng ating mga local government units, lalo na’t sila ang mas malapit sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong. Isinusulong natin na bigyan natin ng mas malawak na papel ang ating mga LGUs sa paghahatid ng mga programa sa nutrisyon at early childhood care and development upang maabot natin ang bawat isa sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong,” ani Gatchalian na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
