Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINIMOK ni AGRI partylist Rep. Wilbert Lee ang liderato ng Kamara, sa pamamagitan na rin ng inihain niyang House Resolution No. 1986, na masiyasat kung naipatutupad ng tama ang Republic Act (RA) No. 9502 o ang “Cheaper Medicines Act of 2008” at ang RA 6675, na siyang “Generics Act of 1988”.
Ani Lee, base sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), mula sa mahigit 1,000 respondent’s ng isang survey, nasa 7% lamang ang nakakaalam ng tamang kahulugan ng generic drug habang 48% naman ang naniniwalang ang generics ay hindi gaanong epektibo.
Giit ng Bicolano lawmaker, ang mga nabanggit na batas ay layuning mabatid na mga mamamayan ang mahahalagang kaalaman sa pagbili ng gamot at masigurong mayroong mura o abot-kayang halaga na epektibong gamot.
“Nakakabahala na may ganitong pagtingin pa rin ang marami nating kababayan sa generic medicines na de-kalidad at mabisa ring mga gamot. Ilang taon at dekada na ang lumipas sa pagsasabatas ng ‘Cheaper Medicines Act’ at ‘Generics Act’ pero hanggang ngayon, mas tinatangkilik pa rin ng marami ang di hamak mas mahal at branded medicines,” sabi pa ni Lee.
“Dapat mas agresibo pa ang gobyerno sa pagsusulong ng wastong impormasyon at pagpapatupad ng batas para mapagaan ang pasanin ng ating mga kababayan, lalo na para sa kanilang kalusugan,” dugtong ng mambabatas.
Kaya kasabay na rin sa pagdiriwang ng “Generics Awareness Month”, nanawagan si Lee sa mga ahensya ng gobyerno na silang inatasan ng mga batas, gaya ng Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), Philippine Information Agency (PIA), at ang Department of Interior and Local Government (DILG), na magsagawa ng regular ng information campaign at education drive para sa publiko at maging sa hanay ng medical professionals hinggil sa kahalintulad na bisa ng generic medicines sa branded medicines, at iba pang mahalagang impormasyon.
Samantala, ikinalugod naman ng mambabatas ang ipinalabas na Bureau of Internal Revenue’s (BIR) Memorandum Circular No. 93-2024 kung saan magiging exempted o hindi na papatawan ng Value-Added Tax (VAT) ang 15 gamot kontra sa cancer, high cholesterol, hypertension, at mental illness.
Nauna rito, inihain ni Lee ang House Bill (HB) No. 9924 o ang “VAT Exemption for Medicines Related to Cardiovascular Diseases Act”, na naglalayong gumawa ang DOH ng listahan ng mga gamot para sa cardiovascular diseases na magiging VAT-free.
Gayundin ang HB 9797 o ang “Free Medicine Act,” na nagsusulong para sa pagbuo ng programa na magkakaloob sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng libreng gamot sa pamamagitan ng medical vouchers na dapat tanggapin o kilalanin maging ng private drug stores at iba pang establisimyento.
“Hindi biro ang pagkakasakit lalo na’t katumbas nito ang dagdag na gastos para sa pamilya. Mas mabigat na pasanin pa kung hindi makakapasok at hindi kikita. Kaya marami nating kababayan, kung hindi man hinahati o tinitipid ang gamot, ay hindi na lang bumibili at nararatay na lang sa kanilang bahay,” ani Lee.
“Tungkulin ng gobyerno na magpasa o epektibong ipatupad ang mga umiiral na batas para mawala ang takot at pangamba ng bawat pamilya sa pagkakasakit sa takot na lalong malubog sa utang o hirap dahil walang pambili ng gamot at pambayad sa ospital,” dagdag pa niya.
