Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PAGLILIHIS lamang sa tunay na isyu ang mga binitiwang alegasyon ni Vice President Sara Duterte laban sa liderato ng Kamara, ayon kay House Appropriations Committee Chairman Rep. Elizaldy Co.
Partikular na tinuligsa ni Co ang kumakalat na recorded interview ng pangalawang pangulo kung saan aniya pinalalabas ni Duterte na kinakawa siya ng Kongreso.
Sa isang pahayag, tinawag din ng Ako Bicol partylist congressman si Duterte na isang mambubudol.
“Nakita po natin kahapon ang Part 1 ng video message ni Vice President Sara Duterte kung saan nililihis na naman niya ang tunay na isyu,” wika ni Co.
“Talaga pong tatak Duterte na yata ang pambubudol – mula sa pekeng war on drugs, pekeng good governance, pekeng pagkontra sa korapsyon, at ngayon – pekeng sagot sa mga isyu,” dugtong ni Co.
Ayon sa Ako Bicol partylist solon, hindi totoong isang simpleng tao lang si Duterte na di umano’y bagama’t mag-isang humarap sa unang deliberasyon sa proposed 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP), bitbit naman aniya ng pangalawang pangulo ang hindi bababa sa 100 security escorts.
“Siya lang po ang kaisa-isang vice president sa kasaysayan ng Pilipinas na may ganun kadaming security. May sarili pang Vice Presidential Security Group. Never happened in the history of the Philippines,” patutsada ng kongresista.
“Nag-iisa nga siyang humarap sa pagdinig ng Committee on Appropriations pero sangkaterba naman ang bodyguard sa labas ng conference room. Humiling pa ng pagkain para sa isang daang guwardiyang dala-dala nya at hindi naman kinain. Hindi po ba’t pang-iinsulto at pag-aaksaya ito ng resources ng gobyerno?,” aniya pa.
Sa banat ng bise-presidente na hindi raw sana’y ang “ilang” miyembro ng Kongreso na hindi makuha ang sagot na gusto nila, binigyan-diin ni Co na “karapatan at trabaho ng Kongreso ang pagbusisi ng budget.”
“Ang hindi niya pagsagot sa maaayos na tanong – at lalo pa ang hindi niya pagdalo sa hearing ngayon – ay nagpapakita ng kawalang ng respeto at paggalang sa mga kinatawan ng taumbayan, hindi lang po kongresista ang winalangya nya dito kung hindi ang sambayanang Pilipinas,” tigas na pahayag pa ng mambabatas
“Malinaw na pambubudol o panlilinlang sa mga Pilipino ang pagsasabi niyang kinikilala niya ang kapangyarihan ng Kongreso sa budget. Malinaw naman sa tao, “live” sa TV at internet kung ano ang kanyang asal; wala siyang sinagot ni isa man lang tanong ng mga kongresista,” ani Co.
Sinabi rin ng panel chair na malinaw na diversionary tactic lang ang video message ni Duterte-Carpio na “tulad ng Tatay niya, gusto niyang ilihis ang usapan sa mga tunay na isyung kinakaharap niya.”
Giit pa niya, dapat magpaliwanag ang bise presidente sa P125-million confidential funds na ginastos ng OVP sa loob lamang ng 11 araw; maging sa pagiging kulelat ng mga batang Pilipino sa Math and Science at pamimigay ng sirang gatas, may insekto at inaamag na nutribun sa panahon ng kanya pamumuno sa Department of Education (DepEd).
“Bakit malala ang korapsyon sa DepEd at palpak ang kanyang panunungkulan dahil tamad at hindi siya pumapasok sa opisina. At higit sa lahat, kung bakit sa gitna ng lahat ng kapalpakan at katiwaliang ito ay dapat siyang pagkatiwalaan ng P2-billion sa 2025?” wakas na pahayag ni Co
