HINDI umubra ang angas ng mga empleyado ng Taguig City Hall na nagtangkang pigilan ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa umano’y illegal reclamation sa lungsod na kilalang baluarte ng mga Cayetano.

Sa isang social media post, ibinahagi ni Senador Panfilo Lacson ang detalye sa aniya’y hayagang paglapastangan sa mandato ng Ombudsman na nagsadya pa sa kahabaan ng C-6 Road para imbestigahan ang reclamation activity sa Laguna de Bay.

Kabilang sa mga inaresto ng pulisya ang ilang empleyado umano ng Taguig City Public Order and Safety Office (POSO).

“Personnel of the Taguig City Public Order and Safety Office were arrested by the PNP after they tried to prevent the Ombudsman investigators from conducting an investigation in the Laguna Lake reclamation area,” ani Lacson.

Nag-ugat ang imbestigasyon ng Ombudsman matapos ibuking ni Lacson ang illegal reclamation na ikinubli bilang flood control project sa basbas aniya ni Senador Alan Peter Cayetano.

Asawa ni Cayetano ang kasalukuyang alkalde ng Taguig.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *