
Ni HERNAN MELENCIO
NAGWALA si Mang Kulet sa Bahay ng mga Kawatan, este, Kinatawan noong Martes dahil ayaw ng mga kasamahan niyang bigyan ng “paggalang” si Inday Sara at palusutin ang badyet ng opisina nito nang wala nang tanung-tanong.
Matatandaang walang-kahihiyang ipinasa ng mga kongresista ang badyet ng opisina ni Dayunyor noong Lunes nang hindi na dumaraan sa pagsilip bilang pagsunod umano sa “tradisyon.” Walang nangyari sa pagtutol ng tatlong kasapi ng Makabayan bloc nang kuyugin sila ng mga panatiko ni Dayunyor, at pinatanggal pa sa rekord ang sinabi ni Kabataan Rep. Raul Manuel na lalabas na nagsisinungaling si Dayunyor kung hindi susundin ang sinabi nitong dapat parehas ang trato sa mga budget proposal ng mga ahensya.
Gusto naman ni Mang Kulet na sundin din ang tradisyonal na paggalang sa kaso ni Inday gaya ng kay Dayunyor. Kaso, hindi pumayag ang mga panatiko ni Dayunyor at ng pinsan nitong pinuno ng Bahay ni Kuya, dahil dinedma raw ni Inday ang kapulungan at ni hindi nagpadala ng kinatawan sa pagdinig.
Pinutakte si Mang Kulet, na panatiko ni Inday, ng 45 boto laban sa boto niya at ng dalawang kinatawan mula sa Davao.
Paulit-ulit na binanggit ni Mang Kulet ang salitang TRADISYON. Galit na galit pa siyang tumayo at nagpalakad-lakad habang sinesermunan ang mga kasama sa Bahay. Bumalik bigla sa alaala ko si Tevye sa pelikulang “Fiddler on Roof” na nagsasasayaw habang sumisigaw ng “tradition, tradition, tradition!” Ang tradisyon daw ang nagpapatatag ng lipunan.
Pero sa kaso ng pulitika sa Pinas, tradisyon ang sumisira sa buhay ng mga tao. Nariyan ang mga tradisyunal na pulitiko o trapo na mayorya ng mga nasa Kongreso at nagpapanatili ng paghahari ng mga elitista sa gobyerno. Sumusunod lang sila sa kumpas ng mga nasa kapangyarihan at may hawak ng pondo. Kung meron man sa kanilang tunay na naglilingkod, hindi pinapoporma at pinandidirihan na parang ketongin at hindi nila kauri.
Sa inaasta ng mga trapong ito sa pagdinig sa badyet, ipinakikita nila na mas pinapaburan nila si Dayunyor kesa sa taumbayan na interesadong malaman kung saan dinadala at ginagastos ng gobyerno ang pera nila.
Ayaw ng mga trapong tinatanong ang bossing nila kaya merong silang sinusunod na “tradisyon.” Damay sana si Inday sa tinatawag nilang “traditional courtesy,” nagkataon lang na hindi na sila bati ni Dayunyor. Nung swit pa sila sa unang dalawang taon pagkatapos manalo ng kanilang “unity team” sa eleksyong 2022, laging ipinapasa ng mga panatikong trapo ang badyet nila nang wala nang esep-esep. Ginawa na nilang tradisyon ang pandarambong.
Napakamakapangyarihan ng posisyon ng pangulo na halos nawawala na ang ipinagyayabang na “check and balance” sa gobyerno. Tuwing matatapos ang eleksyon, biglang umaaligid na parang langaw sa dumi ang mga pulitiko sa bagong presidente at nagiging rubber stamp ang Kongreso na napupuno ng mga kakampi niya. Nariyan lang ang mga partido bilang palamuti pero wala silang prinsipyo at sariling interes lang ang sinusunod.
Nung napalayas sa pwesto ang tatay ni Dayunyor noong 1986, inakala ng lahat na tapos na ang maliligayang araw ng mga trapo at meron nang bagong pulitika. Pero ang siste, nagpalit lang sila ng bihis. Trapo pa rin silang walang malasakit sa mamamayan. Ang malala, nakabalik sa pwesto ang dati nang isinuka sa tulong ni Digonyo.