HABANG nagsasagawa ng malawakang imbestigasyon sa mga sinasabing katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH), hayahay sa pagla lamyerda sa Estados Unidos ang isang inhinyerong nakabase sa lalawigan ng Rizal.
Walang masama sa pagpunta sa Amerika lalo pa’t may kalakip na travel authority mula sa mga bida sa ahensya.
Gayunpaman, palaisipan para sa akin ang paglalaboy ni Manolito Fabian na tumatayong Assistant District Engineer ng DPWH Rizal Second Engineering District.
Ang tanong, may kakayahan bang bumiyahe sa Estados Unidos ang isang assistant district engineer na tulad ni Fabian?
Ang sagot — oo naman. Sa aking pagsasaliksik, nasa P197,000 kada buwan ang ganansya ng isang assistant district engineer.
Magkano ang pamasahe sa eroplano patungo sa Estados Unidos? Ayon sa Philippine Airlines, mahigit P62,000 kapag may promo.
Kung kasama ni Fabian ang kanyang dyowa, syempre doblado.
Kung ang biyahe ay para sa bakasyon, magkano naman kaya ang bayad sa hotel sa Estados Unidos?
Nagtanong ako sa mga retiradong mamamahayag na nakabase na ngayon sa Amerika. Anila, maglalaro sa P14,000 hanggang P18,000 para sa overnight stay. Kung isang linggo ang bakasyon, pumapalo sa P98,000 hanggang P126,000 para sa pitong gabi.
Kung may kasamang pasyal sa mga nakabibighaning lungsod sa Amerika, pihadong mas malaki ang gastos ni Engr. Fabian — hindi pa kasama ang car rental (o baka naman nagtataxi lang kasi nga wala naman pampasaherong dyip sa Estados Unidos), pagkain at iba pa.
Hindi ako mahusay sa mathematics, pero ayon sa calculator ng kapitbahay ko, maglalaro mula P668,000 hanggang P788,000 ang gastos ng magdyowa para lang sa round-trip ticket (Manila to Los Angeles at Los Angeles to Manila) at bayad sa kanilang tinutuluyang hotel.
Susmaryosep… apat na doble ng buwanang sweldo na yan ni engineer!
Kung afford ni Engr. Fabian manatili ng isang buwan sa Amerika, mapapaisip ka na lang… kaya ba talagang tustusan ng isang inhinyerong nagtatrabaho sa gobyerno ang ganung klase ng kapritso?
Posible naman siguro kung malaki na ang ipon. Pero sa mata ng isang ordinaryong Pilipino, parang may mali — maliban na lang kung may isponsor si engineer.
Pero sino ba naman ang magbibigay ng ganung kalaking pabaon sa isang assistant district engineer nang walang anumang kapalit? Maski siguro si Santa Claus hindi papayag.
Pero teka… hindi ba’t nabunyag na sa mga pagdinig ng senado at kamara ang kalakaran sa mga proyektong hawak ng DPWH?
Sana mali ang aking hinala.
