MATAPOS sibakin sa pwesto, muling magtatangkang kumandidato si former Bamban Mayor Alice Guo, ayon kay Atty. Stephen David kasabay ng giit na wala pa naman inilabas na hatol ang husgado.
Katunayan aniya, nakatakda nang maghain ng Certificate of Candidacy si Guo sa mga susunod na araw.
Gayunpaman, nilinaw ni David na hindi personal na magtutungo sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ang dating mayor na aniya’y magpapadala na lamang ng kinatawan.
Para kay David, hindi balakid sa pagtakbo ni Guo ang alegasyon ng pagiging Chinese national. Aniya, mahabang proseso ang Office of the Solicitor General bago pa man mapatunayan na hindi Pinoy si Guo.
“Mahabang proseso yun eh. Makaka-cancel ba yun? She is a Filipino. So, wala namang decisions on courts as of now na hindi siya Pilipino,” aniya pa.
PAra kay David, higit na angkop ipaubaya na lang sa taumbayan ang desisyon sa muling pagtakbo ni Guo sa pagka-alkalde ng Bamban.
“Unang-una kung talagang gusto sya ng tao, sila dapat ang humusga. Ang taong bayan dapat ang humatol kung siya ba ay karapat-dapat manungkulan sa kanilang lugar kasi yung nangyari technicalities hindi siya pinapatakbo pinapa-disqualify siya pero hindi naman final pa yun eh marami pang proseso yun.”
“But definitely she will be running for mayor,” kumpirmasyon ng abogadong kumpyansang mananalo pa rin si Guo sa 2024 midterm elections.
“Kasi marami naman ang nagpu-push,” aniya pa.
Sa panig ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, nilinaw niyang trabaho ng poll body tatanggapin lahat ng mga maghahain ng COC sa kondisyong kumpleto ang isusumiteng dokumento.
Gayunpaman, walang katiyakan kung pwede pa si Guo kumandidato. Katwiran ng Comelec chief, kailangan muna kunin ang posisyon ng Office of the Ombudsman sa naturang plano ni Guo – bukod pa sa posibilidad na may maghain ng disqualification case laban sa detenidong former mayor.
Agosto ng kasalukuyang taon nang ipinag-utos ng Ombudsman ang pagsibak kay Guo dahil sa kasong grave misconduct kaugnay ng nadiskubreng illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Bamban.
Inutos din ng Ombudsman ang pagbawi sa retirement benefits at habambuhay na pag-disqualify kay Guo na humawak ng puwesto sa gobyerno.

Karagdagang Balita
Driver ng ambulansya, swak sa droga
Yosi smuggling bistado sa Palawan
100 mag-aaral at guro, nalason sa pagkain