
TALIWAS sa mga nakalipas na halalan, may naglakas loob tumapat sa mga Duterte, matapos maghain ng kandidatura ang isang obispo para sa posisyong hawak ng naturang pamilya sa nakalipas na tatlong dekada.
Ang naghamon — isang nagngangalang Rodolfo “Bishop Rod” Cubos ng Christ the Healer International Missions Movement laban kay incumbent Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
“Many will say that this is an impossible task – impossible – that a servant leader like me cannot compete against seasoned politicians. Ito yung iniisip namin,” wika ni Cubos matapos ang magsumite ng Certificate of Candidacy sa local election office sa nabanggit na lungsod.
Kasama ang mahigit 100 taga suporta, tinungo ni Cubos ang tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Davao City dakong alas 9:30 kaninang umaga.
“Tayong lahat nakikita natin ang nangyayari sa Davao. You can observe our surroundings. Sa akin lang, bagong Davao na pud. Pagbabago ang gusto natin,” dugtong ni Cubos.
Wala pang pahayag ang kampo ng alkalde sa hamon ng obispo.