Ni ESTONG REYES
KAHIT pa pagtibayin ng Kongreso ang Senate Bill 2034 (Mandatory ROTC Act), hindi kakayanin ng pamahalaan ang aspeto ng implementasyon. Ang dahilan — kawalan ng pondo.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, kailangan ng Department of National Defense (DND) ng hindi bababa sa P27 bilyon sa susunod na tatlong taon para lang ipatupad ang mandatory ROTC sa mga pamantasan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Katunayan aniya, mismong si Defense Secretary Gilbert Teodoro, aminadong mahirap ipatulad ang mandatory ROTC dahil sa kawalan ng pondo.
Gagamitin aniya ang pondo sa pagbili ng combat boots, uniform, allowance, stipend ng trainers, at iba pang office supplies.
“Right now, it will be tough. That’s as far as I can say. It will be tough especially given the other expenditures that the government needs to allocate funds for in the coming year, given even the elections,” wika ng lider ng Senado kaugnay ng mandatory ROTC bill na kabilang sa mga panukalang isinusulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Pasado na sa ikalawang pagbasa ang naturang panukala.
Hindi rin nirerekomenda ng DND ang “automatic entry” ng mga ROTC graduates sa Armed Forces of the Philippines’ (AFP) reserve force, na aniya’y nangangailangan din ng malaking alokasyon.
“Ngayon pa lang nga daw sa ilalim ng NSTP (National Service Training Program) ay mahaba ang kanilang backlog sa pag-accommodate ng reserve na naga-apply,” ani Escudero.
Sa pakikipag pulong ni Escudero kay Teodoro, iminungkahi ng DND na gawing generic ang ROTC training nang walang espisipikong assignment sa bawat pamantasan di tulad ng nakaraang implementasyon.
“We will relay that to the committee and make sure that they take note of it and consider it during the period of amendments,” anang Senate President, kasabay ng giit na hindi kailangan buhayin ang ROTC sa bansa.
