TIWALA si Abra lone district Rep. JB Bernos na ang pagkakatatag ng University of Abra (UA) ay magsisilbing daan para sa katuparan ng pangarap ng mga kabataan sa kanilang lalawigan na magkaroon ng de kalidad na edukasyon at makapagtapos sa hinangad nilang kurso sa kolehiyo. “Pagkatapos ng ilang taong pagsisikap, napagtagumpayan na natin ang pagkakaroon ng unang state university sa mahal nating lalawigan. I believe this will pave the way for Abra to continue producing highly skilled and well-educated graduates,” malugod na pahayag pa ni Bernos. Hinimok naman ng Abra lawmaker ang mga estudyante ng UA na suklian ang magiging pagtatapos sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanilang kapwa. “Sagot ng bayan ang inyong edukasyon—ang hinihingi lang natin ay mag-aral kayo nang mabuti at paglingkuran sana ninyo ang inyong mga kailian,” dagdag niya. Sa pagsisikap ni Bernos, ang dating Abra State Institute of Science and Technology (ASIST) ay siya na ngayong UA, ang kauna-unahang at nag-iisang unibersidad ng lalawigan, habang panglimang state university sa buong Cordillera Administrative Region (CAR). Taong 2019 pa nang i-akda ni Bernos ang House Bill No. 2652, na nagsusulong para sa itaas ang antas ng ASIST patungo sa pagiging unibersidad. Ganap na nilagdaan ang panukala bilang batas noong Hulyo 23, 2021. Samantala, batid ng kongresista ang mga hamong kinaharap ng ASIST para ito maging isang state university kabilang na ang pagtugon sa mga kondisyon at panuntunan na itinakda ng Commission on Higher Education (CHED). Sa kasalukuyan, ang UA ay mayroong 38 academic programs, na kinabibilangan ng 30 undergraduate, limang master’s at tatlong doctoral kung saan aabot sa 8,000 ang mga mag-aaral nito. Ang Lagangilang-based university ay may satellite campuses sa Bangued at La Paz, habang may planong magtayo rin sa bayan ng Pilar. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Mid-air collision: 4 pilotong lulan ng 2 training jet todas