PARA kay House Speaker Faustino Dy III, abot-kamay na ang pangarap ng mga kabataan makapagtapos sa kolehiyo sa bisa ng Presidential Merit Scholarship Program (PMSP).

Ayon kay Dy, tanging lagda na lang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kulang para sa ganap na implementasyon ng programang naglalayon isulong ang edukasyon sa hanay ng “poor but deserving students,” matapos ratipikahan ng bicameral committee ang panukalang batas. 

“Maraming kabataan ang may talino, sipag, at malinaw na pangarap, pero kinakapos ang kanilang pamilya sa gastos sa pag-aaral,” wika ni Dy kasabay ng giit na ““dapat bigyan sila ng pagkakataong makatapos at magamit ang kanilang galing para sa sariling pamilya at sa bayan.”

Sa ilalim ng “reconciled measure,” na kabilang sa priority bills na nakapaloob sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), dalawang partikular na programa ang itatatag sa ilalim ng PMSP — ang Presidential Merit College Scholarship Program, na pangangasiwaan ng Commission on Higher Education (CHEd) at ang Presidential Merit Technical Scholarship Program naman na hahawakan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Aniya, matutugunan ang suliraning pampinansyal ng mga mahuhusay na estudyante at ang kawalan ng personnel sa tinaguriang critical fields sa tulong ng nasabing programa.

Nakapaloob din sa “reconciled measure” ang pagbibigay ng suporta sa exceptional senior high school graduates mula sa low hanggang sa middle-income households at paghubog ng kasanayan sa mga trabahong mahirap mapunan.

Nakasaad naman sa Section 7 na sakop ng financial assistance ay para sa tuition subsidies at iba pang school fees, living expenses, relocation, room and board, transportation, books, connectivity at laboratory costs. 

Meron rin aniyang probisyon na sasagot sa gastusin sa internships, licensure o board examinations, thesis preparation at research assistance, kung kinakailangan at batay na rin sa available funds at implementing guidelines.

“Alam natin kahit libre ang tuition, may pamasahe, pagkain, tirahan at mga gamit pa rin kailangan bayaran. Kaya mahalaga na ang tulong ay tumugon sa tunay na gastos ng estudyante para makapag patuloy siya hanggang makatapos,” pagtatapos ni Dy.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *