NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINIMOK ni Human rights Committee chairman Rep. Bienvenido Abante Jr. si retired Colonel Royina Garma na ilantad na ang lahat ng nalalaman nito tungkol sa extrajudicial killings at tukuyin kung sino ang nag-utos ng mga pagpatay, sino ang nagsagawa sa mga utos, at sino-sino ang lahat ng mga sangkot.
“Retired Colonel Garma’s explosive testimony last Friday linking former President Duterte and his close allies to extrajudicial killings during the previous administration could be just the tip of the iceberg. This is just the beginning of a deeper inquiry into a more alarming issue: the alleged participation of higher officials in EJKs. There is much more to uncover, and we are committed to getting to the bottom of these serious allegations,” wika ni Abante na tumatayong co-chairman ng quad committee ng Kamara.
Pagtitiyak pa ni Abante, hindi titigil ang Quad Comm hangga’t hindi lumalabas ang buong katotohanan lalo pa’t usapin ng pananagutan, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno ang nakataya.
“As she has declared, the truth will set her free. We welcome such a declaration, and we hope she will begin to tell the whole truth and nothing but the truth. She should not cover up the sins of her former superiors, the former president included,” dagdag pa ng mambabatas.
Interesado naman si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead chairman ng Quad Comm na malaman kung ang utos na patayin ang retiradong heneral ng pulisya at board secretary ng PCSO na si Wesley Barayuga noong Hulyo 2020 ay galing kay Garma o kay Duterte.
Batay sa mga lumabas na impormasyon si Garma ang itinuturo ni retired police colonel at National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo na pinanggalingan ng reward money at impormasyon upang matukoy ang lokasyon ni Barayuga at maging madali ang pagpatay.
Si Leonardo ay upperclassman ni Garma sa Philippine National Police Academy (PNPA)
Nauna ng inihayag ni Lt. Col. Santie Mendoza, isa ring PNPA graduate, sa Quad Comm na kinontak siya ni Leonardo upang planuhin ang pagpatay kay Barayuga.
Ani Mendoza, inutusan niya ang kanyang civilian drug informant na si Nelson Mariano na maghanap ng killer, na nakipag-ugnayan naman sa isang nagngangalang “Loloy” na siyang nagsagawa ng pagpatay kay Barayuga.
Sa araw ng mismong pagpatay, sinabi ni Mariano na nakatanggap siya ng real-time update tungkol sa galaw ni Barayuga na pumasok sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.
Kabilang sa nakuhang update ay isang litrato ng yumaong board secretary ng PCSO na umano’y kuha ni Garma habang nasa board meeting, pati na rin ang mga detalye ng sasakyang gagamitin ni Barayuga.
Ang impormasyon ay ipinadala ng isang alyas “Toks,” na umano’y close aid ni Garma. Ayon pa kay Mariano, si Toks din ang nagbigay sa kanya ng P300,000 bayad para sa kanilang operasyon.
Ang retiradong opisyal ay tinambangan hindi kalayuan sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.
