NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUNG pagbabatayan ang sumbong ng mga Manobo mula sa lalawigan ng Agusan del Sur, lubhang dehado ang mga residente sa ginagawa ng isang kumpanyang pasok sa pagmimina ng ginto sa dalawang barangay na sakop ng bayan ng Bunawan.
Para kay ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, walang puwang sa bansa ang mga negosyanteng kapural ng pang-aabuso sa mga katutubong Manobo.
Sa sumbong ng mga kinatawan ng mga Manobo, walang pakundangan ang paglabag ng PHILSAGA Mining Corp. sa mga karapatan ng mga katutubong pilit pinapalayas di umano ng naturang kumpanya sa ancestral land sa barangay Consuelo at San Andres sa Bunawan, Agusan del Sur.
“Sumbong nila, inagawan na sila ng lupa ng nasabing minahan wala pa silang natanggap kahit magkano para sa kanilang komunidad,” ayon kay Tulfo sa isang pahayag.
“Hindi natin pwedeng payagan inaabuso ang karapatan ng ating mga kapatid na IPs dahil umpisa pa lamang ay ito na ang isa sa palagi nating binabantayan, ang mga karapatan ng ating mga katutubo. Kadalasan kasi ay wala silang boses lalo na laban sa malalaking kumpanya, kaya sa aming magkakapatid na Tulfo sila madalas lumalapit,” dugtong ng kongresista.
Samantala, nanawagan si Tulfo kasama sina ACT-CIS partylist Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap, at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo sa mga komite ng natural resources at indigenous cultural communities and indigenous people — isang congressional inquiry “in aid of legislation” sa hangaring ituwid ang PHILSAGA Mining Corp. sa aniya’y maling konsepto sa pagnenegosyo.

Hirit pa ng mambabatas, palakasin ang Republic Act 8371 (Indigenous Peoples Rights Act ng 1997) at RA 7942 (Philippine Mining Act).
Iginiit din ni Tulfo pagkilala at proteksyon sa mga karapatan ng mga indigenous cultural communities (ICC) sa lupang ninuno, kasabay ng panawagan isama ang mga katutubo sa repormang agraryo at stewardship sa pamamahagi ng mga likas na yaman, alinsunod sa batas na nagbibigay proteksyon sa mga indigenous groups sa iba’t ibang panig ng bansa.
“They (IPs) were denied their rights over their ancestral land, its natural resources and royalty shares from the mining operation conducted in their land,” ani Tulfo.
“The mining operations of PHILSAGA Mining Corp. permanently deplete the resources of the ancestral land to the detriment of the rightful ICC/IPs who are entitled to royalty shares.”
