SA kabila ng mga pinupukol na alegasyon kaugnay ng giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, nanatiling matibay ang sampalataya ng publiko kay Senador Bong Go, batay sa pinakahuling survey ng Publicus Asia.
Sa datos na ibinahagi ng Publicus Asia, umani 35 percent voter preference rating ang senador sa likod ng mga Malasakit Centers na karaniwang takbuhan ng mga maralitang may malubhang karamdaman pero walang kakayahan magpagamot.
Batay sa senatorial survey na isinagawa mula Oktubre 16 hanggang 17, naungusan ni Go ang tanyag na brodkaster na si Ben Tulfo.
Samantala, nanguna naman si Go sa tanong kung sino sa mga personalidad na naghain ng kandidatura ang unang pumasok sa isipan ng lumahok na respondents.
“Nagpapasalamat ako sa tiwalang ibinibigay ninyo sa akin kung kaya’t hindi ko rin sasayangin ang oportunidad na ibinigay niyo sa akin na makapaglingkod sa inyo. Patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya nang buong puso na may pagmamalasakit sa kapwa,” pahayag ni Go.
Higit na kilala si Go sa adbokasiya sa kalusugan, edukasyon, kabataan, disaster relisience, paglikha ng trabaho, sports, food security at public order.
Sa mga nakalipas na panahon, binitbit ni Go ang serbisyo ng gobyerno direkta sa mga tao.
“Palagi ko ngang sinasabi, ’Bisyo ko ang magserbisyo’. Hindi lamang po ito slogan — ito ay parte ng aking pagkatao. Hindi ako titigil sa pagtulong sa abot ng aking makakaya ating mga kababayan, lalo na sa mga nangangailangan,” hirit ng mambabatas na karaniwang tinatawag na Mr. Malasakit.
“Magtatrabaho po ako para sa Pilipino. Iyan ang aking maiaalay sa inyo — ang kasipagan ko sa pagseserbisyo dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos,” diin pa ng mambabatas na tumatayong chairman ng Senate Health Committee.
Sa bisa ng Malasaki Centers Act na inakda ni Go, nasa 15 milyong Pilipino ang natulungan sa pagtugon sa mga gastusin sa pagamutan, batay sa datos ng Department of Health.
Si Go rin ang nasa likod ng mga Super Health Centers sa gitna ng kakulangan ng mga pagamutan iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang rin si Go sa mga nagtulak ng panukalang Regional Specialty Centers Act.
Bilang senador, kabilang rin sa kanyang isinulong ang reporma sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa mas malawak na saklaw ng serbisyong medikal para sa mga obrerong buwanang kinakaltasan sa sweldo.
“Noong ako’y nagseserbisyo kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte, palagi kong naririnig na sinasabi n’ya, ‘Just do what is right.’ At yan ang patuloy kong sinusunod. Gawin lang ang tama, unahin ang kapakanan ng mga mahihirap, at hinding hindi ka magkakamali.”
