NI ESTONG REYES
HAYAGANG tinabla ni Senate President Francis Escudero ang isinusulong na isahang pagdinig ng Kamara at Senado sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Partikular na tinukoy ni Escudero ang panukala ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong overall chairman ng quad comm sa bicameral investigation.
Katwiran ni Escudero, walang probisyon sa Senate rules na pwedeng magsagawa ng joint investigation ang dalawang kapulungan.
Itinulak ni Barbers ang joint investigation habang naghahanda ang Senado sa pagsasagawa ng sariling imbestigasyon nito sa giyera kontra droga sa loob ng anim na taong termino ni former President Rodrigo Duterte.
Bagamat naniniwala si Senate Minority Floor Leader Aquilino Pimentel III na maganda ang panukala ni Barbers, inamin ng senador na hindi madali ang idea ng nabanggit na kongresista.
“Magandang idea pero mahirap implement. At saka iba na stage ng investigation nila. Advanced na sila,” ani Pimentel.
Samantala, tuloy naman sa Oktubre 28 ang unang pagdinig ng Senado sa giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Bukod kay Duterte, kabilang naman sa mga tinukoy ni Pimentel na padadalan ng paanyaya sa imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma, dating National Police Commission (Napolcom) commissioner Edilberto Leonardo, dating senador Leila de Lima, Kerwin Espinosa at mga naulila ng mga biktima ng madugong kampanya laban sa droga.
