PURNADA ang raket ng hindi bababa sa isang milyong indibidwal na nabuking na makailang ulit na nagparehistro para sa 2025 midterm election, ayon kay Commission on Elections (Comeldc) chairman George Garcia.
Sa isang kalatas, tiniyak ni Garcia na kakalusin sa talaan ng mga botante para sa halalan sa Mayo ng susunod na taon ang mga nabistong may double – kung hindi man multiple registration.
Garantiya ni Garcia, isusulong ng Comelec ang isang patas, malinis, mapayapa at maayos na eleksyon matapos madiskubre ang mga double o multiple registration sa talaan ng mga Pinoy na pwedeng bumoto.
Para sa Comelec chief, malaking bentahe ang Automated Fingerprint Identification System (AFIS) na aniya’y ginamit sa paglilinis ng list of registered voters.
Aniya pa, walang kawala sa makabagong sistemang ginagamitan ng biometrics data ang mga botanteng gumagamit ng double registration para kumita sa halalan.
