MULA nang simulan ng Kamara ang pagdinig sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon, maraming nanabik sa magiging tugon ni former President Rodrigo Duterte sa hamon ng pagharap sa imbestigasyon ng quad comm.

Pero taliwas sa ipinamalas na pusturang brusko sa panahong siya pa ang bida sa Palasyo, lubhang kakaiba ang tindig ngayon ng dating pangulo. Nawala ang angas, pati ang tapang. Puro lang dahilan para hindi sumalang sa pagdinig na isinasagawa sa Batasan.

Pero nang anyayahan sa Senado para sa pagdinig ng blue ribbon committee, game na game ang positibong tugon ni Digong.

Buwan pa ng Agosto nang sumipa ang “investigation in aid of legislation” ng quad comm. Matagal-tagal na rin siyang inaanyayahan  para marinig ang kanyang panig sa mga naglabasang alegasyon.

Bakit nga ba ayaw dumalo ni Digong sa quad comm? 

Ayon kay Atty. Salvador Panelo na nagsilbing presidential chief legal counsel ng Palasyo sa ilalim ng administrasyong Duterte, handa naman daw ang dating pangulo pero may kondisyon — intelligent questions lang ang kanyang sasagutin.

Ayon naman sa ngayo’y puganteng si former presidential spokesperson Harry Roque, pinupulitika lang ng Kamara si Duterte.

Palusot naman ni Atty. Martin Delgra na abogado niya ngayon, masama ang pakiramdam ng dating pangulo.

Pero ang pinakahuli, mula mismo kay Digong — “Sipain ko sila. T*ngn* nila. Wala na akong pera eh. Magpamasahe ako roon? Nabubuhay na lang ako sa retirement pay ko. Wala akong extra money sa bangko. Lahat sweldo ko yan, pati retirement ko. Sila pa ang galit ngayon?”

Gayunpaman, pursigido ang quad comm. Kaya naman nag-alok sina Rep. Robert Ace Barbers kasama ang mga co-chair na sina Dan Fernandez, Benny Abante, Joseph Stephen Paduano, Romeo Acop, Dong Gonzales at Jay-jay Suarez – libreng pamasahe mula Davao pa-Maynila at libreng pamasahe ulit mula Maynila pabalik ng Davao para wala ng palusot.

Paglilinaw ng quad comm, hangad lang ng Kamara marinig ang panig ni Digong kaugnay ng madugong giyera kontra droga na humantong sa kamatayan ng libo-libong indibidwal — marami sa kanila, mula sa maralitang sektor ng lipunan.

Sa isang banda, dapat lang naman ilantad at timbangin ang malawakang paglabag sa karapatang pantao sa anim na taong pakikipag sagupa laban sa kalakalan ng droga. Maraming testigo ang nagdawit kay Duterte sa mga extrajudicial killings.

Isa lang ang malinaw. Pursigido ang quad comm, gayundin ang Department of Justice (DOJ) na lumikha pa ng special task force na tutulong sa paghalukay sa madugong giyera kontra droga gamit ang rekord ng quad comm.

Batay sa record ng Kamara, dalawang imbitasyon ang pinadala kay Duterte. Isa para sa pagdinig na ginanap noong Oktubre 22 at isa pa noong Nobyembre 7. Kapwa niya inisnab ang imbitasyon ng quad comm dahil sa gastusin sa biyahe.

Pero teka, bakit niya pinaunlakan ang paanyaya ng Senate blue ribbon committee noong Oktubre 28? 

Napakalaki ng kaibahan. Kung tutuusin, parehas lang ang gastos sa pamasahe papunta sa Senado at Kamara. Sinipot nga ba ng dating pangulo ang imbitasyon ng senado dahil andun ang kanyang mga kaalyado tulad ni Bato na dawit din sa asuntong isinampa sa International Criminal Court?

Wika nga ni Ba Ipe Lustre sa kanyang pitak sa pahayagan, walang kwenta ang “investigation in aid of legislation” na kinamada ng senate blue ribbon committee. Aniya,  pansariling plataporma ang inilatag sa senado kung saan malayang ipinagtanggol ng dating pangulo ang kanyang pangalan.

Hindi angkop para sa isang tigasing dating pangulo ang magtago sa bisa ng samu’t-saring palusot para maiwasan ang imbestigasyon sa madugong giyera ng nakalipas na administrasyon laban sa bentahan ng droga.

Hindi rin siguro kapanipaniwalang pamasahe lang papuntang Maynila at pabalik sa Davao ang dahilan sa hindi pagpunta sa Kamara.

Sayang, bilib pa naman ako sa tapang ni Digong.

By ..

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *