NI EDWIN MORENO
WALANG kamalay-malay ang tatlong nakaupong alkalde sa lalawigan ng Cavite na kaladkad pala ang kanilang pangalan sa operasyon ng saklaan. Dangan naman kasi, buladas ng mga illegalistang sina Jojie Ailyn at Alma na kargado ang mga opisyal sa mga bayan ng Mendez, Cavite City at Amadeo.
Bukod kina Mayor Cocoy Mendoza (Mendez), Denver Chua (Cavite City) Redel John Bawalan Dionisio (Amadeo), bukol din marahil ang inabot ni Col. Dwight Alegre na tumatayong hepe Cavite Provincial Police Office.
But wait, there’s more. Kaladkad din nina Jojie Ailyn at Alma ang pangalan ng mga hepe ng lokal na pulisya na di umano’y nagbibigay proteksyon sa sakla operation kalapit di umano ng lingguhang biyaya sa nalilikom na kubransa.
Ang tanong — pagsasawalang-kibo na lang ba nina Maj. Gilbert Derla ng Amadeo PNP, Lt. Col. Christopher Guste (Cavite City PNP) at Maj. Ian Jasper Montoya (Mendez PNP) ang pagdungis sa kanilang pangalan?
Sa totoo lang, hindi sisirain ng mga nabanggit na alkalde sa barya-baryang ganansya ang kanilang reputasyon lalo pa’t konting kembot na lang ay eleksyon na naman.
Sa ganang akin, hindi rin isasapalaran ni Col. Alegre ang kanyang propesyon sa weekly patong, at lalong hindi siya ang klase ng opisyal na basta na lang tatalikuran ang sinumpaang tungkulin.
Kaya naman hamon ko kay Col. Alegre, kapunin sina sina Jojie, Ailyn at Alma. Bilang pambungad, pwede marahil simulan ni Col. Alegre ang operasyon sa sabungan ng Amadeo kung saan may pwesto pijo saklaan sina Jojie at Alma.
Pero teka, sino ba naman kasi ang lapastangan na umoorbit kina Jojie, Ailyn at Alma gamit ang pangalan ng mga mayor, provincial police director at hepe ng mga lokal na pulisya?
Bulong ng aking impormante – isang alyas Hero, Ka Minong at Jun Toto na ang pakilala sa mga ilegalista sa Mendez, Cavite City at Amadeo ay kolektor ni Col. Alegre.
Oops, meron pa. May sariling diskarte din pala sina Hero at Ka Minong (na kilala rin sa alyas na Nardong Putok) na ang hawak ay ang larong Ez2 bookies at lotteng.
Sa aking pagtatanong sa pagkatao ni Ka Minong, lumalabas na political leader din pala siya ng mga Remulla ng Cavite, kabilang sina Justice Secretary Crispin Remulla at nakababatang kapatid na si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Hindi pa tapos ang kwento. May warrant of arrest din pala si Ka Minong para sa kasong murder. Pero sa kabila ng nakaumang na mandamiento de arresto mula sa husgado, malaya pa rin siyang nagpapatakbo ng STL-con-Jueteng, lotteng at video karera. Pati nga fuel smuggling raker din pala ni Ka Minong.
Sa ilalim ni Ka Minong ang mga sakla sa bayan ng Magallanes, Bailen, Ternate, Marigondon at Bacoor na kasosyo ang pekeng NBI agent alyas “Elwyn” at “Eric Turok” ng Amadeo, si Jojie at Maricon na operator ng sakla sa Naic at Dasmariñas kasama ang isang alyas “Ewang.”
May kasunod pa.