WALANG darating na Vice President Sara Duterte sa nakatakdang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa Nobyembre 20 ng kasalukuyang taon.
Sa isang pahayag, hangad umano ni VP Sara na ipamukha sa Kamara na hindi siya kailanman nagpaasa, kasabay ng anunsyo sa pagliban sa petsang nakasaad sa imbitasyon na personal na inabot sa kanya habang nakamasid sa testimonya ng amang former President Rodrigo Duterte noong nakaraang Miyerkules sa Batasang Pambansa.
Sa imbitasyon ng komite, binigyang-diin ni panel chair at Manila Rep. Joel Chua ang kahalagahan marinig ang panig ng bise presidente sa mga ipinupukol na alegasyon kaugnay ng di umano’y paglustay ng hindi bababa sa P612-milyong halaga ng confidential funds na inilaan ng Kongreso sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa panahon ng pagiging Kalihim ni VP Sara.
Ayon kay VP Sara, hindi na siya dadalo sa pagdinig sa dalawang dahilan — pumunta na siya sa unang hearing pero hindi naman siya tinatanong, at ang ikalawa, wala siyang natanggap na imbitasyon sa mga sumunod na pagdinig.
Gayunpaman, tiniyak naman ng bise presidente na magpapadala ang kanyang tanggapan ng pirmadong affidavit sa kaugnay ng nasabing kontrobersiya.
