MATAPOS ang metikulosong pagsusuri ng mga dabhasa sa larangan ng medisina, lumalabas na walang dapat ikabahala ang kontrobersyal na lider ng sektang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) – hudyat para ibalik sa kulungan si Pastor Apollo Quiboloy.
Sa isang press briefing, kinumpirma ni Brig. gen. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), alas 5:20 pa kahapon nang muling ipasok sa selda ang dating presidential spiritual adviser.
Isang linggo na ang nakalipas nang isinugod sa Philippine Heart Center (PHC) si Quiboloy matapos dumaing ng paninikip ng dibdib at mabilis na pintig ng puso.
Nakakulong si Quiboloy bunsod ng mahabang talaan ng mga kasong kriminal kabilang ang qualified human trafficking at paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
