NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“KUNG ang simpleng bomb joke nga ay nagiging dahilan para arestuhin at ikulong ang isang tao, paano pa kaya ang pagbabanta ng kamatayan?”
Ito ang pahayag ni House Committee on Justice vice-chairperson at Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores, kasabay ng panawagan sampahan ng kaso si Vice President Sara Duterte sa pag-amin na ikinasang pagpapatumba kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukod sa pangulo, kabilang rin umano sa target burahin ng salarin na inatasan ni VP Sara si First Lady Liza Areneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
“Death threats, especially directed at the President, should never be taken lightly,” wika ng abogadong kongresista.
Mungkahi ni Flores sa Department of Justice (DOJ), pag-aralan mabuti ang kasong isasampa kay Duterte.
Git ng panel vice-chairman, walang pinipili ang batas – tulad na lang aniya sa ginawa sa isang senior citizen na pinababa sa eroplano bunsod ng “bomb joke” noong nakaraang Agosto.
Kung ang pagbibiro aniya gamit ang katagang “bomba” may “instant kulong,” higit na angkop dapat aniya ang tugon ng mga awtoridad lalo’t kapag ang isang bise presidente na nagbitaw ng mga pagbabanta.
“In that case, ang simple at biro lamang na bomb joke ay agad na inaksyunan. Ano pa kaya itong banta laban sa ating Pangulo? We urge the DOJ to look into possible criminal liability against Vice President Duterte,” ani Flores.
“Death threats are a serious matter. Hindi ito dapat isantabi o balewalain. The vice president’s words were not only reckless but also dangerous. They undermine our democracy and the rule of law. Under our laws, death threats are considered a criminal offense,” diin pa niya.
“Ang pananagutan ay hindi lang para sa mga ordinaryong Pilipino. Kung ang isang senior citizen na nagbiro ng bomba ay agad na dinampot, dapat ay hindi exempted ang kahit sino, kahit pa ang bise presidente. As a public official, lalo na bilang bise presidente, she has a responsibility to uphold peace and order. Her words have weight, and her actions should set an example.”
