NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TAHASANG sinabi ni House Assistant Majority Leader at Taguig City Rep. Amparo Maria Zamora na hindi matitinag at patuloy na paninindigan ng Kamara ang tungkulin bantayan ang pondo ng bayan sa kabila aniya ng iba’t-ibang taktika ni Vice President Sara Duterte.
“No amount of distraction should divert attention from ferreting out the facts behind the use of confidential funds,” pahayag ni Zamora hinggil sa umano’y mga drama ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
“Kung gusto niya talagang mag-camp out dito sa House, baka mas mabuti po na harapin na din ang mga miyembro ng Blue Ribbon Committee,” dugtong ng lady solon.
“This is an opportunity for Vice President Duterte to address the serious concerns about her office’s confidential fund spending and the allegations tied to her chief-of-staff,” aniya pa.
Biyernes ng hatinggabi nang pasukin ni Duterte ang Kamara para samahan sa House detention center si Atty. Zuleika Lopez na tumatayong chief-of-staff ng Office of the Vice President (OVP).
Sumunod na eksena, inamin mismo ni Duterte na mayroon na siyang kinausap para patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at maging House Speaker Martin Romualdez.
“Ang banta niya laban sa Pangulo, Unang Ginang at sa Speaker ay hindi dapat balewalain. This will be looked into,” reaksyon dito ni Zamora.
Binatikos din ni House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega si Duterte sa mga “padalos-dalos at mapanganib” na pahayag na posibleng indikasyon na kailangan na niyang sumailalim sa psychological evaluation.
“Hindi normal ang ganitong klase ng pahayag mula sa isang mataas na opisyal ng gobyerno. Dapat nating tanungin, nasa tamang pag-iisip pa ba si Vice President Duterte? These words are dangerous, reckless, and deeply concerning,” bulalas ni Ortega.
Para kay Ortega, patunay ng kawalan ng kakayahang mamuno ang pahayag na sinambit mismo ng pangalawang pangulo.
“Kung seryoso siya sa sinasabi niya, dapat itong imbestigahan nang mabuti. Pero kung ito’y biro lang, mas lalo itong hindi katanggap-tanggap. Either way, these remarks show a lack of judgment unbefitting of a public servant,” dagdag pa niya.
Ikinabahala naman ni Tingog Rep. Jude Acidre ang aniya’y “toxic behavior” ni Duterte, na mistulang indikasyon umano ng kawalan nito ng tamang pag-iisip.
Sinabi ni Acidre na sa halip na sagutin ni Duterte ang mga tanong kaugnay ng paggamit ng kanyang P612.5 milyong confidential fund, gumawa ng drama ang pangalawang pangulo ng bansa.
“Bilang Bise Presidente, hindi dapat siya umaakto na parang wala sa tamang kaisipan. Her toxic behavior is concerning and may reflect an alarming state of mind. This does not suit her, especially given the dignity of her office,” ani Acidre.
“Hindi na niya binigyan ng dignidad ang kanyang tanggapan. What happened was a meltdown, plain and simple. And she said many bad things pa na dapat ay hindi naririnig ng ating mga kabataan mula sa kanilang mga lider sa gobyerno,” dagdag pa niya.
“Her actions and words raise serious questions about her priorities as a leader. Instead of addressing the issues at hand, she is diverting attention with theatrics.”
Paalala ni Acidre, ang kailangang gawin ni Duterte ay sagutin ang umano’y maling paggamit nito ng confidential fund ng OVP at Department of Education, noong kanya pa itong pinamumunuan.
“Napakasimple lang naman po ng hinihingi natin: magpaliwanag. Kailangang maipaliwanag niya kung paano ginamit o inabuso ang milyong pondong inilaan para sa OVP at DepEd, Pero mukha yatang hindi niya kayang ipaliwanag kaya nagwala na lang siya. Nag-tantrums,” saad pa ng mambabatas.
“Sa halip na tumutok sa mga mahahalagang isyu ng bayan, mas pinili niyang magpakita ng ganyang asal. Hindi ito ang inaasahan ng sambayanan mula sa isang mataas na opisyal. Such language and behavior are unacceptable from anyone, much more from the vice president. She should remember that her words carry weight and have consequences.”
“Walang ibang solusyon dito kundi ang pagiging totoo at transparent. The Filipino people deserve better than this circus,” pagtatapos ng kongresista.
